Abante Tonite Interactive

Interconnection fees ng Smart at Globe gagawing libre ni Ping

By
0 1,338

Mababawasan na ang panggugulang sa consumers ng dalawang higanteng telecommunications company sa bansa oras na makalusot ang panukala sa Senado.

Pinatatanggal ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang sinisingil na interconnection fees sa mga tawag at text message sa pagitan ng Smart at Globe.

Isa ito sa isinusulong ng senador sa inihain nitong amiyenda sa Senate Bill No. 1636 o ang Lifetime Cellphone Number Act.

“We are here to protect the consumers. And the consumer, not being made aware he is calling through a different PTE (public telecommunications entity), is helpless in being charged with P2.50 for mobile calls and 15 centavos for SMS,” sabi ni Lacson.

Base sa impormasyon ng senador mula sa National Telecommunications Commission (NTC), lumitaw na noong 2016 nasa P806.9 milyon ang interconnection fees ng mga telco sa domestic calls kasama na rin ang short message service o SMS.

Binigyang-diin nito na ang P806.9 milyon ay 0.82 porsiyento lamang ng total operating revenue ng mga kompanya noong 2016 na umabot sa P98.35 bilyon.

Tinanggap naman ni Senador Sherwin Gatchalian, na siyang sponsor ng panukala, ang ipinasok na amiyenda ni Lacson, dahil marami aniyang subscribers ang pinipiling manatili sa isang network dahil sa interconnection fees.

“With this amendment, (Lacson) managed to save consumers almost six billion pesos in interconnection fees. This is actually a lot of savings for consumers considering every time you call another network you are charged P2.50 per minute, on top of P7.50 per minute call, even on dropped calls. It’s not a one-time interconnection fee but per minute,” giit ni Gatchalian.