Abante Tonite Interactive

Internet para sa SEA Games walang problema — Atty. Osias

0 81

Pinawi ni Philipine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) Spokesperson Atty. Jarie Osias ang pangamba ng IT service provider na nanalo ng kontrata sa bidding ng Southeast Asian Games Information System (SEAGIS) kaugnay sa kawalan pa umano ng internet service sa mga competition venue sa gaganaping 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang Disembre 11 sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Kamakailan ay sinabi sa ABS-CBN interview ni Mr. Arnold Labadan, nagrerepresenta sa kompanyang L.C. Ting Construction and WSL-MSC, ang Filipino-Malaysian joint venture na nagwagi sa bidding para sa SEAGIS, na wala pa umanong internet connectivity sa mga venue ng SEA Games kaya nangangamba ito na baka maapektuhan ang kanilang trabaho.

Sa panayam kahapon ng DZMM, sinabi ni Atty. Osias na nakausap na niya si Labadan upang linawin dito kung ano ang basehan niya sa pagsasabing wala pang internet service at kulang-kulang pa ang equipment na gagamitin sa iho-host ng bansa na biennial meet.

“Ang sabi po niya (Mr. Labadan), ang interview sa kanya ay nangyari two weeks ago, kung matatandaan po natin ‘yung two weeks ago ay kaka-award lang din ng Philippine government sa group nila ‘yung kontrata,” sabi ni Osias.

“So ‘yung panahon na ‘yun po ay kulang pa sa coordination ang grupo nila, grupo ng Phisgoc at grupo ng Philippine government. Hindi pa ho siguro malinaw daw sa kanya ‘yung na-interview siya.

Punto ni Osias, handa na ang Phisgoc sa pagsasagawa ng SEA Games at maayos ang lahat kabilang ang internet connectivity at mga equipment.

“’Yung mga venue po ay handang-handa na. Part po ng readiness na ‘yun ay ‘yung internet connectivity na tinatawag. In fact just last week, ‘yung New Clark City kung saan andun ho ‘yung Athlete’s Village, yung stadium, nu’ng mag-test event po sila last week gumana naman ho iyung internet connectivity. Andun din ho ang grupo ni Mr. Labadan.”

Samantala, dinagdag ni Atty. Osias na dineny ng korte ang hinihinging temporary restraining order (TRO) ng information technology company na ATOS sa pag-award ng kontrata ng SEAGIS.

“’Yung ATOS po, ‘yun po ang natalo sa government procurement, sila po iyung na-disqualify or na-declare ineligible ng procu­ring government entity. Natalo po ‘yung ATOS at nag-file po sila ng TRO case, sa kabutihang palad, dineny naman ho ng korte ‘yung case, ‘yung TRO, wala hong TRO na inisyu,” giit ni Osias.

“Ongoing pa ho ‘yung hearing kasi may mga claim sila doon ng danyos perwisyo. ‘Yun ho ay part pa ho ng court process. Pero when it comes to the case ay hindi ako makakapagsalita masyado. As we speak, wala hong legal na balakid na makakapigil dun sa SEAGIS po natin.”