Abante Tonite Interactive

Int’l actor umeksena sa ‘The Avengers’ parody

298

Kinarir ang 24th anniversary special ng “Bubble Gang” na parody ng Marvel blockbuster movie na “The Avengers” at pinamagatan nilang “The ScAvengers”.

Ang bongga dahil meron silang guest na isang Hollywood actor sa nasabing 2-part superhero telemovie special.

May special role sa “The ScAvengers” ang Hawaii-born Pinoy na si Jacob Batalon, na gumanap bilang best friend ni Peter Parker (Tom Holland) na si Ned Leeds sa “Spider-Man: Homecoming” (2017).

Muli niya itong ginampanan sa “Avengers: Infinity War” (2018), “Avengers: Endgame” (2019) at “Spider-Man: Far From Home” (2019).

Sabi sa amin ng brains behind “Bubble Gang” na si Michael V, ‘yung script ay naka-tailor talaga kay Jacob at parang si Ned din ang role nito. Si Mikoy Morales ang bale Spidey friend nito na si Squatter-Man.

One day lang daw nag-shoot si Jacob, sinama lang nila sa schedule nito nang mag-ikot-ikot ito sa Manila nu’ng bumisita ito sa ‘Pinas kamakailan.

Sey ni Bitoy, it’s a good opportunity na magsama sila ng first Filipino na kasali sa Marvel Cinematic Universe.

May nagsasabing si Dave Batista na gumanap bilang Drax the Destroyer sa “Guardians of the Galaxy” ang unang Pinoy sa MCU, pero ang sabi ni Bitoy, si Batalon talaga ‘yung full Filipino.

Buti pumayag si Jacob. Hindi ba ito naningil?

“Hindi ko alam, ha? Ha! Ha! Ha! Ha!” malakas ang tawa ni Bitoy.

Expect the unexpected daw sa “The ScAvengers” na magugustuhan ng Marvel fanboys dahil kinarir nila ang visual effects nito, pero ang story ay medyo mababaw talaga, parang mga parody nina Dolphy at Panchito noong araw.

May stunts din ito na inspired sa isang YouTube video na Marvel vs. DC na napanood nina Bitoy. Si Direk Bert de Leon ang direktor, pero si Direk Rico Gutierrez ang in charge sa fight scenes, technicals at special effects.

Inabot daw ng 10 days ang kanilang shoot dahil sa fight scenes na hindi sanay gawin ng “Bubble Gang” cast. Bukod kay Jacob Batalon ay may cameo rin dito si Yorme o Mayor Isko Moreno ng Maynila.

Sa 24 years sa ere ng “Bubble Gang”, nabilang ba nila kung ilang shows ang tumapat sa kanila at nawala na lahat?

“Hindi na. Actually, ‘yung pera ko nga, hindi ko na nabibilang eh, shows pa. Ha! Ha! Ha! Hoy, baka seryosohin ng mga tao! Ha! Ha! Ha!” tawa ni Bitoy, na gaganap bilang main villain na si Allan Peter Kuya Thanos.

Sa November 15 & 22 mapapanood ang 24th anniversary special ng “Bubble Gang” na “The ScAvengers”.