Abante Tonite Interactive

Intsik dinukot, ikinulong

By
2,059

Nalagay sa peligro ang buhay ng isang ­Intsik matapos itong dukutin at ikulong ng kanyang apat na kababayan sa loob mismo ng isang kilalang resort and casino hotel sa Parañaque City.

Sa maagap namang pagresponde ng Parañaque City Police, dalawa sa apat na Intsik na hinihinalang miyembro rin ng isang sindikato ang naaresto kahapon ng madaling-araw.

Ito ay bunsod na rin sa sinasabing pagdukot at pagkulong ng mga ito sa isa nilang negos­yanteng kababayan dahil sa utang nitong P.3 milyon sa Solaire Resort & Casino.

Kinilala ni Senior Supt. Victor Rosete, hepe ng Parañaque City Police, ang dinakip na sina Xiong Tao, 31-anyos, at Liao Yifei, 28-anyos, kapwa nanunuluyan sa No. 1612 Sky Tower Hotel ng Solaire sa Aseana Avenue, Entertainment City, Barangay Tambo, Parañaque City.

Alas-singko ng madaling-araw nang ma-rescue naman ang bihag ng mga itong si Chou Yin-Chin, 37-anyos, ­binata, at nanunuluyan din sa Solaire.

Bago ikinasa ang ope­rasyon ay may natanggap na reklamo ang nasabing himpilan ng pulisya mula sa Taipei Economic & Cultu­ral Office (TECO) hinggil sa insidente umano ng illegal detention sa Solaire kung saan isang Chinese national ang biktima.

Sa salaysay ng biktima sa mga pulis ay inamin nitong may utang siyang P300,000 sa mga suspek dahil sa kanyang pagsusugal at ikinulong aniya siya nang 3 araw sa Solaire. Para makalaya, pinatutubos siya ng mga ito sa kanyang mga kaanak na nasa Taipei sa halagang P400,000.