Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Inubarang manok sa gata ng dating road manager ng mga artista

0 578

Nakilala ko si Eve Siguiente noong 2011 nang maging Road Manager siya ni Bea Binene. Masaya siya kay Bea dahil hindi mahirap alagaan lalo na at may training na sa show business. “Mas marami pa nga akong challenges kay Andi Eigenmann (hinawakan din niya bilang road manager), dahil nasa peak na ng career nya noon si Andi, while si Bea nag-i-start pa lang as teenage actress. Mabait si Bea, very hardworking.”

Hindi rin nagtagal ang pagiging road manager ni Eve dahil sa tindi ng schedule. “Halos wala na akong time sa family. Mall tour
ngayon, bukas fly na sa probinsiya. May iba rin kasi akong hinawakang artists sa talent management namin like Jai Reyes, Nico Palma, Marc Acueza at si Andi Manzano. Masaya, kasi araw-araw may ganap. Pero hindi ako masyadong nakakauwi. My father pa naman was sick, kailangan niya ako every weekend.”

Noong nagbabantay na si Eve sa kanyang tatay, doon siya naging masipag sa pagluluto ng healthy meals. At maswerte siya dahil may malaki siyang bakuran sa Bulacan kung saan naroon ang mga tanim niyang gulay.

“Bago pumanaw si Tatay na isang dating farmer sa Antique, naipamana niya sa amin ang kahalagahan ng sustainable living.”

Kaya naman sanay sa gulay pati ang kanyang apat na pamangkin na kanyang pinag-aaral. “May mga meat dishes na pinapalitan ko ng gulay like yung meat burger, pinapalitan ko ng puso ng saging.”

Hindi lang gulay at prutas ang nasa kanyang bakuran. Mayroon siyang mga native chicken na nangingitlog.

At ito ang ibabahagi sa atin ngayon ni Eve, ang kanyang special recipe ng Inubarang Manok sa Gata.

“Ang ubad ay salitang Ilonggo. Nakakita ka na ba ng puno ng saging? Kapag pinutol mo ang puno, makikita mo yung pinakaputi sa loob, tanggalin mo. ‘Yung makukuha mong pinakamalambot na parte, yun ang tinatawag na ubad.”

Kailangan ng:

1 buong manok, mas maganda kung native o free range chicken

2 tasa ng ubad o ubod ng saging

Batwan (dahon na ginagamit na pang-asim)

2 tanglad o lemongrass na pagbibigkisin

2 tasa ng gata ng niyog

Luya, bawang at sibuyas

Asin at paminta

Hiwain ang ubad at lagyan ng asin. Hugasan ng tubig, pigain ang juice nito at hagurin ng palad para matanggal ang mga hibla. Itabi muna.

Igisa ang manok sa bawang, luya at sibuyas. Magbuhos ng sabaw ng manok o tubig para lumubog ang manok. Palambutin. At kalagitnaan ng pagpapakulo, idagdag ang ubad at ang tanglad. Maya-maya, idagdag na ang pang asim na dahon ng batwan at kalahati ng gata ng niyog. Kapag malambot na ang manok, ilagay ang natitirang gata ng niyog. Lagyan ng paminta at asin batay sa inyong panlasa.

Ready na ang Inubarang Manok!

May kakaibang recipe ba kayo o menu sa inyong restaurant na nais nyong ibahagi? Ipatikim na ‘yan! Magpadala ng mensahe sa marou70@gmail.com o sa FB Page: Patikim Nga

Leave A Reply

Your email address will not be published.