Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Inutas na PCSO exec testigo sa anomalya – NBI

0 534

Ni Nancy Carvajal

Kumilos agad ang National Bureau of Investigation para mabantayan ang opisina ng pinaslang na board secretary ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa mga importanteng dokumento nito na may kinalaman sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa korapsyon sa ahensya.

Ayon kay NBI Officer-in-Charge Eric Distor, si PCSO Board Secretary Wesley Barayuga, isang abogado at retiradong heneral, ay pangunahing testigo nila sa mga iniimbestigahang dati at kasalukuyang opisyal ng PCSO.

“Barayuga was a prime witness to NBI investigation and no one should be given access to the victim’s office, at this time to guard the documents kept in his custody,” pahayag ni Distor sa online news site Politiko (politics.com.ph) nang makapanayam ito.

Nabatid na ang pinaslang na opisyal ay siyang humahawak sa laaht ng mga dokumento ng ahensya partikular ang mga PCSO resolution hinggil sa revenue allocation mula sa Small Town Lottery (STL).

Matatandaang noong July 2019, inutos ng Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang diumano’y korapsyon sa PCSO matapos suspindihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng STL.

“He [Barayuga] did not only provide investigators with documents, he authenticated them and was willing to testify,” sabi ni Distor.

Base sa mga ulat, nasa P400 milyon ang nawawala sa PCSO kada taon dahil sa korapsyon sa kinikita nito sa STL.

Si Barayuga at ang kanyang driver na si Jun Gunao ay galing sa PCSO head office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City at pauwi na subalit inabangan at pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo dakong alas-3:30 ng hapon noong Huwebes sa panulukan ng Calbayog at Malinaw Street sa Brgy. Highway Hills.

Base sa police report, nagtamo si Barayuga ng mga tama ng bala sa ulo at kili-kili na humantong sa kanyang kamatayan. Nasa kritikal na kondisyon naman ang kanyang driver sa isang ospital.

Leave A Reply

Your email address will not be published.