Abante Tonite Interactive

Investment scam sa Davao humantong na sa patayan

0 374

Kinondena ng mga lokal na opisyal sa Tagum City, Davao del Norte ang serye ng patayan na nagaganap sa kanilang lungsod nitong mga nakalipas na buwan na sina­sabing may kinalaman sa iba’t ibang investment scam na naglipana sa lugar.

Ayon kay Police ­Regional Office 11 director PBGEN Marcelo Morales, nagsimula ang patayan sa Tagum City noon pang bakasyon.

Ipinasara na umano noong buwan ng Hunyo ang mga kompanyang sangkot sa investment scam matapos mag-utos ng crackdown si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga kaduda-dudang investment scheme sa lugar.

Nabatid na noong ­buwan nang Agosto ay umabot sa ­pitong katao ang iniulat na pinatay sa ­magkakahiwalay na lugar sa Tagum City kung kaya’t inatasan ni Morales ang bagong police chief ng lungsod na si PLTCOL ­Ariel Alcala na paigtingin ang ­seguridad at tugisin ang mga may kagagawan ng patayan.

Noong Huwebes ay ­naglabas naman ng ­pahayag ang tanggapan ni Tagum City Mayor Allan Rellon na kinokondena ang mga patayang nagaganap sa ­kanilang lungsod matapos paslangin ang isang biktima na kinilalang si Judylou Palas na diumano’y anak ng isang investment scam firm. (PNA)