Abante Tonite Interactive

Invitation letter sa Singapore pinagkakakitaan

367

Jeany Lacorte

Malaking pera kung susumahin itong ipinaiiral na kalakaran ng embahada ng Pilipinas sa Singapore na kung ilang panahon nang ipinatutupad.

Ito ay patungkol sa paniningil ng 85 Singapo­rean dollar o katumbas ng P3,000 sa pag-authenticate sa invitation letter ng isang kababayang gustong bumisita sa Singapore.

Napakalaking pera niyan kung isang overseas Filipino worker (OFW) ang nagbayad sa authentication ng isang invitation para lamang papuntahin ang isang kaanak sa Singapore at ipakita kung saan siya naghahanapbuhay.

Kanya nga lamang ang invitation letter na ito ay wala naman palang katiyakan na mapapayagan ng Bureau of Immigration na makapunta ng Singapore ang isang may bitbit nito.

Sabagay malinaw naman itong mababasa sa website ng Philippine-embassy.org.sg. na hindi ito ang natatanging rekisitos para makapasok ng Singapore lalo na’t napakamabusisi ng mga tauhan ng ating Immigration sa airport.

Ang sa akin bakit kailangang bayaran ng libu-libong halaga ang pag-authenticate ng PH embassy sa Singapore sa isang invitation letter kung hindi naman pala ito pangunahing requirements para makaentra ng SG?
Saan napupunta ang ibinabayad ng isang nag-iimbita sakaling na-offload o hindi napa­yagang makapasok ng Singapore ang isang may bitbit na invitation letter na nagbayad ng P3K ang nag-imbita sa kanya?

Base kasi sa impormasyong ipinarating sa inyong lingkod ng ilan nating kababayang sa Singapore na mahabang panahon nang nakatira sa nasabing bansa, sob­rang panggagatas ang kanilang inaabot sa kamay ng ating embahada.

Kapag daw nao-offload ang kanilang iniimbita­hang kaanak o kaibigan ay parang naglalahong parang bula ang kanilang ibinayad para sa authentication ng isang ni-reject na invitation letter.

Nilinaw naman daw ng dating nakausap na ambassador ng Pilipinas sa Singapore ng ating impormante na hindi sa embahada napupunta ang kita sa authentication kundi sa immigration.

Hindi pa natin ito makumpirma sa BI pero atin itong aalamin sa mga susunod na araw upang sa gayon ay maipabatid natin sa publiko at sa mga pinasuka ng libong halaga kapalit ng pag-authenticate kung saan napupunta ang koleksiyon dito ng Immigration.

Ang tanong ilang embahada ng Pilipinas pa kaya sa ibang bansa may naniningil kapalit ng pag-authenticate nila sa isang invitation letter?