Abante Tonite Interactive

Ipagbawal ang pay comfort room sa mga mall

By
894

Isa sa problemang sosyal na may malaking epekto sa publiko ngunit hindi napapansin lalo na ng gobyerno ay ang pagdami ng mga ‘pay toilet’ na nangangailangan ng bayad para makadumi o maka-ihi ang isang parokyano. Kalat na ito sa iba’t ibang establisimiyento ngunit mas kapansin-pansin sa mga shopping mall.

Sa ilalim ng batas, partikular sa Sanitation Code of the Philippines, lahat ng pampubliko at pribadong komersyal na esta­blisimiyento ay kailangan na magkaroon ng malinis at ligtas na pampublikong palikuran para sa bawat uri ng kasarian.

Iginigiit ng mga batas na responsibilidad ng pamunuan ng mga pri­badong establisimiyento na mapanatiling malinis at akma sa paggamit ng tao ang kanilang mga palikuran. May mga parusa na nakalaan sa mga lalabag dito.

Sa batas na nagbibi­gay ng proteksyon sa mga taong may kapansanan (PWD), kailangan pa nga na may espesyal na na palikuran para sa kanila. Sakop ng batas ang mga hotel, restoran, commercial arcade at mga shopping mall.

Ngunit tila hindi ito nasusunod dahil sa tila ipinapasa ng mga may-ari ng mall ang responsibilidad sa pagmementina ng kanilang mga palikuran sa publiko na kanila ring mga kustomer.

Hindi matatawaran ang halaga ng mga ‘comfort room’ sa publiko. Lahat ng tao, kailangang magtungo dito lalo na kapag kapag may ‘tawag ng kalikasan’. Isa ito sa gawain na hindi maiiwasan ng tao. Katulad ng pagkain, kailangan ring magbawas. Kaya tila naman ginawa na rin itong panggagalingan ng pagkakakitaan ng mahuhusay na mga negosyante.

Doble kita ‘ika nga. Kapag pumasok ang isang tao sa mall, matatawag na agad siyang kustomer. Kung hindi mamimili, maari namang kumain, magba­yad ng bills, magpa­konsulta sa mga shop na nagbibigay ng serbisyo. Kumbaga, kumita na sa kustomer eh pagkakakitaan muli sa serbisyo sa CR na dapat ay libre na.

Idinadahilan ng mga may-ari ng mga mall na gagamitin ang nakukuhang bayad sa ‘maintenance’ ng kanilang mga palikuran. Wow, iihi ka lang, P10 kada ulo na ang bayad. Kwentahin natin kung ilang tao ang kailangang mag-CR sa isang araw, eh di kumikitang kabuhayan nga naman. Kung tutuusin, ayon sa batas ay responsibilidad nila na magbigay ng naaayon na palikuran para sa kanilang mga kliyente.

Walang pinag-iba ito sa paniningil ng mga shopping mall, ospital, at hotel ng bayad para sa parking space sa kanilang establisimiyento. May ibang mga shopping center na kapag nagpakita ka ng resibo na namili o kumain ka sa kanilang establisimi­yento ay libre ka na sa parking fee, bakit hindi kaya gayahin ito?

Kasalukuyang na­kabinbin ang House Bill 6183 o ‘Free Comfort Rooms Act of 2012’ na iniakda noon ni AVE party list Rep. Eulogio ‘Amang’ Magsaysay na nagbabawal sa panini­ngil sa mga CR sa mall.

Anim na taon makaraang isampa ito, natutulog na. Habang naghihirap ang taumbayan dahil sa ‘inflation rate’, panahon na para pagtuunan ito ng pansin ng ating mambabatas.