Abante Tonite Interactive

Ipagtanggol ang alaala ng ating mga bayani – Koko

1,084

Nakiusap si Se­nate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III nitong Lunes sa mga Filipino na igalang ang katapangan ng ating mga bayani ng digmaan at mga beterano sa pamamagitan ng sarili nilang pagkilos na mapaunlad pa ang kalidad ng pamumuhay para sa lahat ng mamamayan.

Noong Abril 9, 1942, mahigit sa 78,000 Fili­pino at Amerikanong sundalo ang sumuko sa mga mapanakop na Hapones at napuwersang maglakad mula Bataan hanggang San Fernando, Pampanga at halos 10,000 sundalong Filipino ang nasawi dito.

“Hindi nabigo ang mga Filipino na tumugon sa tawag ng tungkulin kapag kinakailangan sila ng bansa. At ito ang panahon na kinakailangan ng bayan ang lahat ng mamamayan, hindi para makipaglaban sa mga hukay, kung hindi upang mapaunlad pa ang Pilipinas para sa mga Filipino,” pahayag ni Pimentel.

Abante Hiring – IT dep

“Panahon na para taasan pa natin ang ating pananaw. Hindi na tayo nakabilanggo sa pakikipaglaban para mabuhay ngunit nakikipag­laban tayo para sa ikabubuti ng ating mga buhay,” dagdag pa ng Se­nate President.

Noong 1961, isinabatas ng Kongreso ng Pilipinas ang Republic Act No. 3022 na idinedeklarang Bataan Day at isang piyesta opisyal ang Abril 9 nang sumuko ang mga puwersang Filipino at Amerikano sa Bataan.

Noong 1987, binago ang pangalan ng piyesta opisyal sa Araw ng Kagitingan.

Ipinabatid ni Pimentel na nagbago na ang panganib na dala ng mga dayuhang mapa­nakop tungo sa peligro kontra sa pagbibigay kapangyarihan sa mga Filipino ng hindi balanseng kaunlaran ng mga rehiyon, ang lumala­king kalamangan ng mayayaman sa mahihirap at ang malawakang korapsiyon.

“Dapat tayong manatiling matatapang sa pagtatanggol sa ating ba­yan mula sa iba’t ibang anyo ng panganib; hindi lamang mula sa mga dayuhang mananakop kundi sa mga peligro na matatagpuan sa sari­li nating bayan,” pagwa­wakas ni Pimentel.