Abante Tonite Interactive

Ipatambay sa West Philippine Sea ang mga tambay

By
440

Kung naging ma­init na usapin ng karapatang pantao sa idineklarang war on drugs ng administrasyon Duterte, aba’y malamang na magiging usap-usa­pan at laman din ng debate sa kanto ang direktiba ng Punong Ehekutibo na bulabugin ang umpukan ng mga istambay.

Inatasan kasi ni President Mayor Duterte ang mga pulis na sitahin at pauwiin ang mga tao na makikita nilang nakatambay sa kalye. At kapag pumalag, aba’y baka may kalag­yan sila.

Kung tutuusin, wala namang masama sa gustong mangyari ng Pangulo dahil may pagkakataon naman talaga na pinagmumulan ng gulo ang mga tambay. Katunayan sa balita kamakailan, isang lalaki ang namatay matapos suntukin ng tambay na lasing.

Ang katwiran ng suspek, nakantiyawan lang siya ng mga kasama na upakan ang biktima na kakain lang sana sa labas. Pero dahil na rin sa kalasi­ngan, inupakan niya ang biktima, nabagok, at namatay. Kung hindi nakatambay sa labas ang mga kolokoy na lasing, aba’y matiwasay sanang nakakain ang biktima at baka buhay pa hanggang ngayon.

Pero sino nga ba ang mga tambay na dapat sitahin at parang bata na dapat pagsabihan na umuwi? Sa maraming lugar, maraming kabataan na tambay sa kanto o gilid ng kalsada na nagkukuwentuhan kahit walang katuturan para makapagpa­lipas lang ng oras.

Ang isa nating kurimaw na walang trabaho, mahilig ding tumambay sa kanto at nakikipag-tsismisan habang naglalaro ng bingo o baraha na laging “mo” ang taya. Isama na rin natin ang mga tambay na walang aircon at cable sa bahay kaya mas gustong magpahangin sa labas. Eh iyong mga nagba-basketball o ang kabataan na nagpapapawis ng larong-kalye, tambay ba sila?

Tulad sa panukalang pagpapatupad ng National ID System, hindi mawawala ang mga kokontra sa kampanya laban sa tambay. Pa­ngamba nila, malalabag ang karapatang pantao ng mga tambay lalo na kung basta na lang sila dadamputin nang wala namang ginagawang krimen o labag sa batas. Isa pa, lahat nga naman ng Pinoy ay may karapatan na malayang makakilos.

Pero sabi naman ng liderato ng pulisya mga tsong, mga tambay na nakahubad, nag-iinom, mga lasing sa mga peligroso o takaw-gulo na lugar ang kanilang pagtutuunan ng pansin. Kung tutuusin naman, may mga ordinansya na sa bawat siyudad o maging sa barangay laban sa mga taong-hubad. At sa totoo lang, hindi naman dapat talaga pinapa­yagan ng barangay ang mga kababayan nilang mag-iinom sa labas ng bahay, lalo na sa gilid ng kalsada — maliban na lang siguro kung fiesta.

Ang mahirap kasi sa mga nakainom, nagi­ging suplado at tumatapang kapag sinapian ng espirito ng alak. Ilang insidente na ba ang ­nabalita na nagkaroon ng gulo na kung minsan ay nauuwi pa sa ­patayan nang dahil lang sa katwiran na ang kaniyang nakaaway eh, “masamang ­maka­tingin.”

Kaya bago maghi­magsik ang kalooban ng mga tambay, hintayin natin kung ano ang gagawin ng mga pulis at mga barangay. Alam niyo naman dito sa Pilipinas, uso ang “ningas-kugon” o sa simula lang matindi. Kapag hindi na naibabalita sa media, wala na.

At kung kinalaunan ay makikita ng mga tambay na nayuyurakan na ang kanilang karapatang tumambay, bakit hindi sila magtungo sa Mendiola, magdala ng pla­kard at doon tumambay kasabay ng protesta. Puwede rin sigurong ipu­nin ang lahat ng tambay na mahuhuli na walang trabaho at gawing sundalo na ipadadala sa West Philippine Sea para doon tumambay at bantayan ang ating mga te­ritoryo. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”