Abante Tonite Interactive

Ipinagkanulo

By
969

Kung mayroon mang pinakamatinding insulto na natanggap ang sambayanang Filipino sa paggunita nito ng ika-120 anibersaryo ng ating kalayaan, ito ay ang pag-imbita ng Malacañang kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua para samahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa Aguinaldo Shrine, Kawit, Cavite kung saan unang iwinagayway ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas bilang deklarasyon ng ating kasarinlan.

Hindi ko mawari kung ito’y isang masamang biro o sadyang wala nang pakialam ang Pangulo sa diwa ng Araw ng Kalayaan. Habang ginugunita natin ang pagtatagumpay ng ating mga magigiting na ninuno laban sa mga dayuhang mapanupil ay malugod namang tinatanggap ni Pangulong Duterte ang kinatawan ng isang bansang sa kasalukuya’y, hindi lang sinasakop ang ating mga teritor­yo sa West Philippine Sea, kundi inaapi rin ang ating kababayang nandoon.

Mas nakakagalit ay ang pahayag ng embahada ng China, kasabay nang paggunita natin ng Araw ng Kalayaan, na pinapayagan daw nilang mangisda ang mga Filipino sa Panatag Shoal na para bang kailangan pa nating hingin ang pahintulot ng China para lang mapakinabangan ang sarili nating likas na yaman.

Related Posts

Nakakadismaya na wala man lang karampatang tugon dito ang kasalukuyang admi­nistrasyon. Mas lalo tuloy napaghahalataang ipinagkanulo na tayo ni Pangulong Duterte sa China.

At wari bang kulang pa ang mga insultong ito, pinalalabas din ng administrasyon, lalo na ni DFA Secretary Caye­tano na kinakalakal ng ating mga mangingisda ang kanilang mga huli para sa tubig at noodles sa mga Chinese Coast Guard.

Sa katunaya’y hindi ito nangyayari. Ang ating mga mangingisda, dahil sa panggigipit ng Chinese Coast Guard ay wala nang mahuling isda, wala nang kinikita, na kahit tubig at noodles ay halos hindi na nila mabili.

Kailan ba magiging para sa Filipino ang administrasyong ito? Kailan magiging tunay na kinatawan ng Pilipinas si Sec. Cayetano? Sa araw mismo ng ating Kalayaan, tahasan nilang ipinagkanulo ang sambayanang Filipino.