Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ipon Challenge

0 62

Isa ka ba sa namulubi nitong nagdaang taon? Wala namang nag-akalang tatama ang pandemya at magiging pangmatagalan ang epekto nito sa buong mundo. Apektado tayo hindi lang sa aspetong pangkalusugan, kundi maging sa ating pinansyal na pangangailangan.

Marami ang nawalan ng trabaho kasunod ng mga negosyong nagsara dahil sa epekto ng Covid-19 pandemic. Ang resulta – naghikahos ang ating mga bulsa.

Masasabi kong suwerte ang ilan sa atin na may ipon dahil tiyak na may nadukot sila sa bulsa noong panahong kailangang-kailangan nila ng panggastos.

Kaya ngayong bagong taon, mas mainam na mag-ipon.

Katunayan – uso na naman at nagkalat sa news feed ng mga social media networks ang Ipon Challenge, kung saan ineengganyo ang publiko na mag-ipon ng pera para may magagamit sa oras ng pangangailangan.

Maraming DIY (Do It Yourself) na alkansya na puwedeng gamiting ipunan ng pera. Puwedeng lata ng gatas, kahon o balde o timbang may takip, depende sa dami ng target mong ipunin. May mga available din namang alkansya online.

Kung mag-iipon ka ng P20 kada araw, may P7,300 ka na agad sa pagtatapos ng 2022. Posible pang umabot nang halos dalawang daang libong piso kung P500 a day ang iipunin mo.

Alam kong salat din sa budget ang karamihan sa atin. Ang iba nga, sa halip na ipunin – ilalaan na lang sa arawang pangangailangan ng pamilya. Isama pa ang mga hindi inaasahang gastos sa pamilya gaya ng pagkakasakit.

Ayon sa ilang financial planners, mainam na mag-set ng target o goal para mas ma-motivate kang mag-ipon ng pera. Mahalagang may inaasam-asam kang isang bagay para mas maengganyo kang punuin ang iyong alkansya.

Dagdag pa ng mga financial consultant, OK ding iinvest ang iyong pera. Isaisip daw ang budgeting method na kung tawagi’y ’50-30-20 Rule’. Ibig sabihin, tuwing sasahod, ilaan ang 50% nito sa essential needs o sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilya. Ang 30%, ilaan bilang ‘happy fund’ o ‘yung personal mong gastos. Ang natitira pang 20% para sa investment. Importante ito para umikot ang iyong pera at tumubo kalaunan. Mas maganda rin para mas lumaki ang iyong pera. Siguradong may makukuha ka sa oras ng kagipitan.

Ang iba naman, napipilitang mag-ipon ng pera para sa pagpapatayo ng negosyo o bahay, pagbili ng sasakyan o di naman kaya’y pamamasyal around the world. Anuman ang motibasyon natin sa pag-iipon, ang mahalaga makapagtabi tayo mula sa ating buwanang kita para tiyak na may magagamit sakaling hingin ng pagkakataon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.