Abante Tonite Interactive

Ipon ng aktres intrega sa magulang ‘pag nagpakasal

1,247

KUMPLIKADO rin pala ang planong pagpapakasal ng mga sikat na personalidad. Hindi lang sila nai-stress sa paghahanda para sa kanilang kasal. May isang aspeto pa silang kailangang pagdaanan.

Natural, kapag sikat ang artista ay malaki ang kanyang kinikita, meron siyang malaking halagang naiipon.

Kuwento ng aming source, “Malaking issue ‘yun. Si Actress A nu’ng magpakasal, kinailangan niyang iwanan ang ipon niya sa parents niya. Wala namang problema ‘yun sa napangasawa niya dahil mayaman.

“Literal niyang iniwanan sa pamilya niya ang lahat ng naiipon niya, wala siyang kinuha, dahil ang katwiran ng parents niya, e, kinita niya naman ‘yun nu’ng wala pa siyang asawa.

“May ganu’ng nangyayari talaga. Parang pre-nuptial na rin ‘yun kahit hindi ginawang formal ang proseso,” unang kuwento ng aming impormante.

Malapit na ring lumagay sa tahimik si Actress B. Mas malaki ang kanyang naiipon, mataas ang kanyang talent fee sa bawat proyektong ginagawa niya, iiwanan din kaya niya sa kanyang pamilya ang lahat-lahat ng pampinansiyal na usaping meron siya?

Kuwento uli ng aming source, “Naku, si Actress B pa ba naman ang makalulusot sa ganu’ng set-up? Naman! Natural, kailangan niyang iwanan ang lahat ng meron siya sa family niya!

“Pero okey lang ‘yun, hindi rin kokontra ang mapapangasawa niya, mas mayaman kasi sa kanila ang family nu’ng guy! Hindi naman ang pera lang ni Actress B ang habol nu’ng male personality, nagmamahalan talaga sila!

“Sa dinami-dami ng mga problemang pinagdaanan nila, e, balewala na ang issue ng pera para sa kanila! Basta, tuloy na tuloy na ang kasalan!” madiing sabi ng aming impormante.

May isa pang malapit nang magpakasal, si Actress C, magkakaroon din kaya ng ganu’ng usapan kapag nagpakasal na sila ng kanyang boyfriend?

Tawa nang tawang kuwento ng aming source, “Naman! Of course! History repeats itself, di ba naman?”

Ha! Ha! Ha! Ha!

Post ni Sharon ‘di nakakabusog

MEMA lang. May masabi lang. Aktibo na naman ang mga bashers ni Sharon Cuneta. Hindi lang ang gap nilang mag-ina ang pinagpipistahan ngayon sa social media.

May mga nagkokomento na sa halip na ang away nilang mag-ina at ang pagkadulas niya sa CR ang ipino-post niya ay magpunta na lang siya sa Batangas para magdala ng tulong sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Taal.

Hindi raw makabubusog ang mga posts niyang puro kaartehan lang naman, pero kapag tumulong siya sa mga biktima ng Taal ay maraming matutugunang gutom, maraming makikinabang sa kanyang donasyon.

Nakakalula na talaga ngayon ang social media, ginagamit na lang ng iba ang paraang ito para manakit ng mga personalidad, samantalang wala naman silang alam tungkol sa positibong ginagawa ng mga artistang hinuhusgahan nila.

Kilala sa pagiging generous si Sharon Cuneta. Matulungin siya. Hindi nakakandado ang kanyang puso para sa mga nangangailangan. Pero hindi niya ipinagsisigawan ang maganda niyang nagagawa para sa kanyang kapwa.

Kung paramihan lang ng patotoo ang pag-uusapan ay napakarami naming alam na kuwento ng kagandahan ng puso ng Megastar.

Kahit mga kapwa niya artistang nawawalan ng trabaho ay pinadadalhan niya ng tulong para makagaan sa kanilang sitwasyon. Sensitibo siya sa ganu’ng senaryo.

Siguradong nagpadala na ng tulong sa mga biktima ng Taal si Sharon pero hindi lang niya ‘yun ipinagmamakaingay. Mas ipo-post pa niya ang pagkadulas niya sa CR, ang pangangati ng kanyang mata, ang hindi nila pagkakaunawaang mag-ina kesa sa ipagbanduhan niya sa buong mundo ang tulong na ibinigay niya.

At nandu’n ang indulhensiya ng pagtulong. ‘Yung hindi na niya ipinaaalam sa kaliwa niyang kamay ang magandang ginawa ng kanan.