Abante Tonite Interactive

Isa kang Alamat

0 213

julius-segoviaIpinagbubunyi ng mga taga-Cavite ang pagkapanalo ng 27-anyos na si Jeff Marti Gabriel sa isang prestihiyosong male beauty pageant.

Naiuwi ng tubong Tanza na si Jeff ang titulong Man of the Phi­lippines – Men International at dalawa pang special award. Ma­laking karangalan ito matapos siyang manguna sa mahigit tatlumpu pang male candidates.

Bihasa si Jeff sa pagsali sa mga pageant. Pero sa dami ng kanyang nasalihan, lagi raw siyang umuuwing luhaan. Hindi na nga raw niya mabilang kung ilang beses siyang natalo. Kaya ni sa hinagap – hindi raw niya inakalang maiuuwi niya ang titulo sa pagkakataong ito.

Kahit laging talunan, ni kailanman hindi raw siya pinanghinaan ng loob. Sabi ni Jeff, “Lalaban ako hangga’t may naniniwala sa akin. Wala naman akong tinatapa­kang tao.”

Imbes na panghinaan ng loob, lalo raw siyang nagsumikap sa mga sinasalihang male beauty pageant. Bata pa lang kasi’y pangarap na ni Jeff na ma­ging artista at ramp mo­del. Mahilig din siyang mag-rap.

Umaasa si Jeff na maging susi ang panalong ito para maabot pa niya ang mga pangarap sa buhay.

Ilang buwan bago ang Man of the Philippines, laging laman ng gym si Jeff. Doon na nga siya halos natutulog. Proper diet at workout daw ang na­ging paghahanda niya sa laban.

Nagpapasalamat si Jeff sa suporta ng kanyang pamilya, mga kaibigan at kababayan sa Tanza, Cavite na hindi sumuko at patuloy na naniwala sa kanyang talento at kakayahan.

Tuwang-tuwa si Jeff dahil hindi na lang Cavite ang kakatawanin niya sa susunod na pageant, kundi ang buong bansa. Siya ang kinatawan ng Pilipinas para sa Mister International na gaganapin sa Indonesia sa darating na Abril.

Kasama rin sa premyo ni Jeff ang trip to any Asian country, bukod pa sa cash prize na kanyang tinanggap mula sa organizer ng pageant.

Gaya ni Jeff, ilang beses man tayong madapa sa buhay – hindi tayo dapat pinanghihinaan ng loob. Mas maging inspirasyon pa ito para lalo tayong magsikap, lumaban at kalauna’y maabot ang mga pangarap na bituin.

Muli, ang aming pagbati sa’yo Jeff – isa kang alamat!