Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Isa sa hindi makakalimutang birthday celebration ng aking ama

0 181

IKA-54 kaarawan ngayon ng aking ama na si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na dati-rati sa mga ganitong panahon ay nakahanda na ang lahat para sa isang malaking handaan dahil sa dami ng mga nais dumalo sa taun-taong selebrasyon.

Ngunit kakaiba ang araw na ito dahil sa minabuti ng aking ama na huwag nang magsagawa ng malaking piging dahil bukod sa umiiral na health protocol dulot ng pandemya ay marami umano ang nasa gipit na sitwasyon sa marami nating kababayan.

Hindi umano makatarungan na sa gitna ng napakaraming naghihinagpis sapagkat nawalan ng kabuhayan dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 ay magsasagawa pa ng malaking handaan.

Medyo nakaramdam ako ng kurot bilang anak at bilang isa ring lingkod-bayan nang sabihin ‘yun ng aking ama sa harap ng aking ina na si Bacoor Mayor Lani Mercado habang pinag-uusapan sana namin ang dapat naming gawin sa kaniyang kaarawan.

Ayon mismo sa kaniyang pagkakasabi ay napakahirap umanong lumunok ng masarap na pagkain sa gitna ng isang malaking kasiyahan habang alam nating marami ang hindi na kumakain sa tamang oras.

Sabagay, ganito ko talaga nakilala si Papa, simula pa noong ako ay mallit ay kitang-kita ko kung paano siya naging matulungin sa aming mga empleyado sa kaniyang mga staff simula ng siya ay bise-gobernador pa lamang Lalawigan ng Cavite tulad ko.

Kinalakihan ko rin ang napakaraming tao na dumadagsa sa aming tahanan sa Bacoor City na lumalapit at nagpapatulong sa iba’t-ibang klase ng problema at si Papa kailan man ay hindi ‘yan tumanggi kung kaya rin lang niya ang inilalapit sa kaniya.

SM food to go Banner Ad

Marahil ito rin ang dahilan kung bakit ako napalaot sa pulitika dahil labis kong inidolo ang aking ama, hanggang sa isang araw ay nagising na lamang akong sinusundan ko na pala ang kaniyang yapak.

Kaya dahil sa desisyon ni Papa na huwag nang magsagawa ng malaking handaan ay minabuti niyang mamigay na lamang ng tablet sa ating mga mag-aaral at guro para magamit sa blended learning ngayong papalapit na ang pagbubukas ng klase.

Nakakatuwa dahil simula Septyembre 20, ay nagsimula na siyang mamigay ng gadget na tumagal ng apat na gabi at naroon ang aming buong pamilya na at napapanood ng ‘live’ sa facebook at youtube.

Alam n’yo ba na umabot sa mahigit 40,000 ang gabi-gabing sumusubaybay at mahigit sa 1,000,000 views na labis na ikinatuwa ng aking ama at nakapamahagi ito ng halos 2000 gadgets.

Dahil sa nagkataong Teachers Month din, mahigit sa 200 gadgets ang naipamigay sa mga guro at sinigurong naipamahagi ng pantay ang iba pa sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region (NCR).

Hindi naman kasi kayang bigyan lahat ng mag-aaral sa buong bansa kaya minabuting daanin sa raffle para pantay ang pamamahagi, ngunit ‘yung mga hindi kasali sa raffle pero tumutok sa programa ay nabigyan din dahil nagkaroon ng question and answer portion na madali lang naman.

Sa kabuuan ay masasabi kong isa ito sa pinakamagandang birthday celebration ng aking ama, dahil apat na gabi-gabing nakasama niya ang marami sa ating kababayan at naroon din ang buo naming pamilya para sumuporta.

Sa iyo Papa, mahal na mahal kita, happy birthday!

Leave A Reply

Your email address will not be published.