Abante Tonite Interactive

Isang bayan sa Iloilo hotspot ng DOH

485

Hindi sang-ayon ang pamilya ni Iloilo Vice Governor Christine Garin sa desisyon ng Department of Health (DOH) na ituring bilang mga person under monitoring (PUM) lahat ng residente sa bayan ng Guimbal.

Ayon kay Garin, dapat kinonsidera lamang ng DOH Region 6 bilang PUM ang mga nakatira sa mga barangay kung saan nakapagtala ng dalawang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa mga ulat, isang 59-anyos na lalaki sa Guimbal ang nagpositibo sa CPVID-19. Ito ang pangalawang COVID-19 positive (Patient No. 2) sa Region 6 o Western Visayas habang Patient No. 18 naman ang isang babaeng 51-anyos na taga-Guimbal din.

Kinuwestyon ni Garin kung nakasaad sa DOH guidelines na ituring lahat ng residente sa isang bayan bilang mga PUM kapag nakumpirma na mayroon nang local transmission dito.

Maging ang kanyang kapatid na si Vice Mayor Jennifer Garin-Colada ay kinuwestyon din kung ano ang naging batayan sa desisyon ng DOH.

“What was their basis? Can they show to us proper documents that contain such protocol,” sabi ni Colada sa panayam sa radyo.

Ayon kay Colada, katatapos lang ng 14 araw na home quarantine ng mga taong nagkaroon ng close contact kay Patient No. 2 tapos sasailalim uli sila sa dalawang linggong quarantine dahil sa deklarasyon ng DOH,

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Garin sa DOH Region 6 na susundin nila ang desisyon ng kagawaran, particular ang sinabi ng regional health office na “automatic” home quarantine sa mga residente ng Guimbal sa loob ng 14 araw.

Subalit humingi ito ng tulong sa DH Region 6 gayundin sa provincial government at iba pang ahensya ng pamahalaan dahil hindi aniya kakayanin ng kanilang bayan na sagutin lahat ng pangangailangan sa pagkain ng mga nakatira dito habang naka-quarantine sila. (Prince Golez)

Tonite – Wendys Inhouse Ad