Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Isang Mabuting Hukom

0 170

Kamakailan, naging paksa sa espasyong ito ang nakababahalang padron ng sabwatan sa pagitan ng pulis at hukom upang magamit ang search warrant bilang insturmento ng panunupil sa mga aktibistang tumutuligsa sa administrasyong Duterte at lumalaban para sa karapatan ng mga maralita at inaapi.

Paboritong modus ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ni Pang. Duterte ang paglunsad ng mga “law enforcement operation,” hawak ang isang katerbang search warrant na insiyu ng ilang paboritong hukom, upang targetin ang mga tahanan, opisina, at komunidad ng mga aktibistang binabansagang komunista o terorista ng mga opisyal ng administrasyon. Nagreresulta ito sa pagtokhang sa mga target na aktibista (tulad ng ginawa ng Philippine National Police sa 9 na lider ng Tumandok sa Panay noong Disyembre), o sa pag-aresto at pagpiit matapos taniman ng baril at granada (katulad ng ginawa sa tinaguriang “Human Rights Day 7,” ang pitong aktibistang inaresto noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao).

Umaabot na sa ilang daan ang mga aktibistang ikinulong ng administrasyon sa pamamagitan ng ganitong modus. Mariin ang pagbatikos ng mga aktibista, human rights defenders, at civil libertarians sa mga naturang operasyon, at sa papel ng ilang mga hukom bilang mga “pabrika ng warrant,” dahil sa pag-isyu nila nito kahit walang sapat na batayan. Pagtalikod ito sa tungkuling itinakda ng Saligang Batas sa hudikatura bilang hiwalay at kapantay na sangay ng gubyerno bilang tagapangalaga ng karapatan ng bawat mamamayan laban sa pagmamalabis ng Pangulo at kanyang mga galamay.

Nitong Pebrero 1, naglabas ng kautusan ang isang hukom sa Mandaluyong na maaaring yumanig sa namumuong sabwatan ng ilang mga korte at Malacanang at makapigil sa tuluyang pamamayagpag ng “search warrant operations” bilang sandata laban sa mga aktibista. Sa kanyang desisyon, ibinasura ni Judge Monique Quisumbing-Ignacio ng Mandaluyong City Regional Trial Court Branch 209 ang dalawang search warrant na inisyu ni Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng Quezon City (isa sa mga hukom na tinaguriang “pabrika ng warrant”) sa kaso nina Lady Ann Salem at Rodrigo Espargo, dalawang aktibista na kabilang sa Human Rights Day 7. Matapos ang masusing pagsusuri, dineklara ni Judge Quisumbing-Ignacio na batbat ng mga butas at kontradiksyon ang mga testimonyang pinagbatayan sa pag-isyu ng mga warrant. Dahil dito inutos niya ang pagsantabi sa mga baril, granada, at iba pang ebidensiya na umano’y natagpuan sa bisa ng mga depektibong warrant at pag-dismiss sa kaso ng illegal possession of firearams and explosives na isinampa sa dalawang aktibista.

Isang mahalagang tagumpay para sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ang kautusan ni Judge Quisimbung-Ignacio. Patunay ito na hindi papasa sa pagsusuri ng isang hukom na tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin ang mga search warrant na ginagamit ng administrasyon laban sa mga aktibista. Pinakikita na may batayan ang alegasyon na inaaresto at kinukulong ng administrasyong Duterte ang mga itinuturing nitong kaaway sa pamamagitan ng tanim na ebidensiya at gawa-gawang kaso.

Kailangang patuloy na bantayan ang takbo ng kasong ito. Hindi pa rin pinalalaya sina Salem at Espargo, bagaman binasura na ang asunto laban sa kanila. Mapakikinabangan kaya ng iba pang mga biktima ng kaduda-dudang warrant ang pinakitang halimbawa ni Judge Quisumbing-Ignacio? Paano babawi ang NTF-ELCAC matapos hadlangan ang kanilang maitim na balakin ng isang mabuting hukom sa Mandaluyong?

Leave A Reply

Your email address will not be published.