Abante Tonite Interactive

Isang minutong balikan nina Sharon-Gabby iniyakan

3,868

LUMABAS na nga kahapon at 10:20 a.m. sa Facebook and YouTube page ang TVC (TV commercial) ng ex-couple and former loveteam Sharon Cuneta and Gabby Concepcion para sa isang fast food chain.

Sa post ni Gabby sa kanyang Instagram account, sinabi niyang mauuna lang ang digital release at susunod na itong mapapanood on TV.

Ayon pa sa aktor, long version ang digital release and gift nila for their fans.

May habang 1 minute and 27 seconds ang TVC na may titulong Kumusta Ka at sa huling check namin at 12:22pm, nasa 10,458 na ang views nito sa You Tube since its release at 10:20am.

Sa background ay maririnig ang kantang “Kumusta Ka” na original song ni Nonoy Zuñiga.

Ang daming kinilig sa TVC base sa mga comments sa You Tube at ma­ging sa IG post ni Gabby. Lakas daw maka-throwback. Ang dami ring nag-comment na naiyak daw sila. Ang iba nama’y hindi pa rin makapaniwala na after 30 years, heto’y magkasama na ulit ang dalawa sa isang TVC at wish nila na ang susunod ay pelikula na.

Samantala, sa mga nagtatanong kung hindi ba nagseselos ang mister ni Shawie na si Sen. Kiko Pangilinan sa muling pagbabalikan ng loveteam ng dalawa, mismong ang Megastar ang sumagot sa kanyang socmed na “naku, super-secure si Kiko. Supportive.”

Maine pinayuhan ni Paolo

“GO lang nang go” ang ibinibigay na payo ni Paolo Ballestero sa Dabarkads sa Eat Bulaga na si Maine Mendoza sa panahon ngaYon na may pinagdadaanan ang co-host at halos ayaw na yatang mag-artista.

“Of course siyempre, dapat mag-stay kasi kung baga, part na siya sa Juan For All, eh,” say ni Paolo nang makatsikahan ng entertainment press sa presscon ng “Amnesia Love” na pelikula nila ni Yam Concepcion under Viva Films.

Naiintindihan naman ni Pao kung bakit nakakaramdam si Maine ng ganito sa showbiz. Hindi nga naman birong popularidad ang nakamit ng AlDub loveteam na biglang nagpabago sa buhay ng actress-TV host.

“Parang lahat ng gawin niya, lahat ng tao, may masasabi. Okay lang na may masabi or ma-comment, kaya lang, ‘yung mga taong pumupuna sa kanya, kung baga, inuutusan na rin siya, dinidirekta na rin siya, so I guess, nakakapagood din ‘yung ganu’n,” sabi ni Pao.

Naintindihan din ni Paolo kung bakit ito nakapag-post ng open letter last November at humihingi ng kalayaan sa fans.

“Siyempre kasi, una hindi naman talaga siya artista, kung baga, bagong artista pa lang kasi siya, tapos ‘yung na-level na nakamtam niya, kung baga, ang artista, kailangang matagal na panahon pa bago makamtam ‘yung ganu’n, eh.

“So, I guess, medyo na-shock lang siya. Overwhelmed, ganu’n,” sey ni Pao.

When asked kung ano ba ang pagkakakilala niya kay Maine since nagkakaroon nga ng iba’t ibang impresyon ang mga tao rito, ayon kay Pao, kung ano raw ang nakikita ng mga ito sa aktres in TV ay ganu’n din naman daw in person.

“Cowboy, walang arte sa katawan, alam mo ‘yun, kahit sinon’g kausapin, okay lang, ganu’n,” aniya.

Samantala, si Paolo mismo ang pumili kay Yam para maging leading lady niya ito sa “Amnesia Love” na labis namang ipinagpapasalamat ng aktres.

Mula sa direksyon ni Albert Langitan, showing na sa Feb. 28 ang Amnesia Love. Kasama rin sa movie sina Polo Ravales, Vandolph Quizon, Maricel Morales, Lander Vera-Perez, atbp.