Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Isang taon penitensiya

0 305

Papasok na tayo sa panahon ng Kuwaresma at ilang araw na lamang ay Semana Santa na.

Para sa mga Katoliko, ang Holy Week ay panahon ng pagninilay-nilay, spiritual evaluation at pagbabalik-tanaw sa mga sakripisyo ni Hesus para sa sangkatauhan.

Nakamulatan at nakalakihan na natin ang mga tradisyong ginagawa tuwing sumasapit ang Semana Santa –nandiyan ang Visita Iglesia kung saan ang mga debotong Katoliko ay bumibisita sa pitong Simbahan ; Via Crusis o penitensiya kung saan ay pinapalo ang sarili bilang bahagi ng pagsisisi sa mga nagawang pagkakamali o pagkululang sa buhay, ang pamosong Moriones festival ng Marinduque at ang pabasa na patungkol sa buhay, pagkamatay at muling pagkabuhay ni HesuKristo.

Pero ngayong darating na huling linggo ng buwan ay kakaibang Semana Santa ang mararanasan ng mga Pilipino dahil sa dinaranas na COVID pandemic.

Wala muna ang mga nakagawiang tradisyon na naging bahagi na ng kultura ng maraming Katoliko, at sa halip ay pinayuhan ng gobyerno ang Simbahan na limitahan ang kanilang mga aktibidad mula Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado De Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.

Pinakiusapan din ng gobyerno ang mga tao na huwag munang lumabas at sa loob ng tahanan na lamang gawin ang pagninilay-nilay at pagdarasal para makaiwas sa peligro ng COVID-19.

SM food to go Banner Ad

Araw-araw ay tumataas ang mga tinatamaan ng mabagsik na virus kaya nagpatupad ng mga paghihgit ang gobyerno para hindi na madagdagan pa ang libo-libong nahahagip ng kontaminasyon ng COVID-19.

Isipin na lamang na ito ang penitensiya ngayon ng sambayanan at hindi kailangang magpunta sa mga Simbahan para ipakita ang pananampalataya .

Walang nakasulat sa Bibliya na ang Diyos ay nasa Simbahan lamang. Maaaring makausap ito kahit saan, kahit na sa anong panahon at pagkakataon sa pamamagitan ng dasal.

Kung tutuusin, matagal ng nagpepenitensiya at nagsasakripisyo ang mga Pilipino dahil sa epekto ng COVID-19. Isang taon na tayong nakikipaglaban sa hindi nakikitang sakit na ito at hindi na mabilang at masukat ang pagtitiis ng sambayanan.

Ang sakripisyo ni Kristo ay para ring sakripisyo ng bawat pamilyang Pilipino na ginagawa ang lahat ng paraan para maitawid ang araw araw na hirap sa gutom, at iba pang dusa mabuhay lamang ang mga mahal sa buhay sa gitna ng panganib na posibleng matamaan ng mabagsik na virus.

Ang penitensiya ay hindi lamang ngayong Semana Santa kundi sa loob ng nakalipas na isang taon, at hanggat hindi nawawala ang banta ng COVID-19 sa buong mundo.

Ang mahalaga ay maging matatag, huwag sumuko at sumunod sa mga dapat gawin , gaya ng ginawa ni Kristo na hindi sumuko sa mga nanghukom at nanghusga sa kanya kahit pa ang kapalit nito ay ang kanyang buhay na inialay para sa sangkatauhan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.