Abante Tonite Interactive

Isda, gamot sa depression?

0 223

Ang hindi alam ng marami, nakatutulong pala ang pagkain ng isda para mabawasan kundi man tuluyang mawala ang depression ng isang tao.

Ayon sa mga medical expert, anti-depressant medi­cations ang omega-3 fatty acids na present sa isda. Ibig sabihin, ‘fish can literally make you a happier person.’

So kung lagi kang bugnutin at nakakunot ang noo, simulan mo nang kumain ng isda.

Bukod sa masarap, masustansya pa ang isda.

Sabi ng mga eksperto, “fish is among the healthiest foods on the planet.” Mayaman sa bitamina ang isda kaya mabuti ito sa kalusugan.

Taglay nito ang maraming nutrients gaya ng protina at Vitamin D. Best source din ang isda ng omega-3 fatty acids na kailangan ng utak at katawan ng isang tao.

Maraming klase ng isda. Pinakamasustansya raw ang mga fatty kind of fish gaya ng salmon, mackerel, tuna at sardines. Isa o dalawang beses kada linggong kumain nito. ‘Yan ang rekomendasyon ng mga doktor para maabot ang omega-3 requirements ng katawan.

Sa pagkain ng isda, bumababa rin ang tsansang ma-stroke at atakehin sa puso ang isang tao.

Sa pagsasaliksik sa Amerika, lumalabas na sa 40,000 na male health professionals na kumakain ng isda nang isa o higit pang beses kada linggo, 15% lang ang tsansang magkaroon sila ng heart disease.

Malaki rin daw ang kontribusyon ng pagkain ng isda sa mental development ng mga bata. Kaya pinapayuhan ang mga nagdadalang-tao na ugaliing kumain ng fatty fish.

Ayon pa sa mga pag-aaral, malaki rin daw ang maitutulong ng fish consumption para bumaba ang tsansang magka-asthma ang mga bata. Kaya habang bata, sanayin silang kumain ng isda.

Bukod sa masarap, madali at mabilis ding ihanda sa hapag ang isda. Madalas itong iprito. Puwede rin namang sabawan, depende sa panlasa ng kakain.

Ang sa akin lang, huwag sanayin ang sarili sa pagkain ng karne. Mainam kung hahaluan ang putahe ng isda at gulay na kapwa maganda para sa katawan.