Abante Tonite Interactive

Isetann, Tububan mall ipasasara ni Isko

483

Nagbanta si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na ipasasara niya ang Isetann at Tutuban mall kapag hindi naalis ang mga cellphone booth na nagbebenta at bumibili ng mga cellphone na ‘galing sa magnanakaw o GSM.

Nabatid na binigyan ni Moreno ng 72-oras o tatlong araw ang dalawang mall para alisin ang mga booth na nagbebenta ng mga nakaw na cellphones at kapag hindi nila nagawa ay ipasasara ang mga naturang mall.

Iprinisinta ni Moreno kahapon nang umaga sa mga mamamahayag ang may may 148 na cellphones na ang ilan ay may larawan pa ng may-ari na posibleng nabiktima ng mga holdaper, mandurukot at snatcher.

Nalaman na ang Isetann at Tutuban mall ang nagiging bagsakan ng mga GSM na cellphones na ibinebenta muli sa mga cellphone booth sa nabanggit na mga mall.

Samantala, ayon kay PMajor Rizalino Ibay, hepe ng Special Mayor’s Action Reaction Team (SMaRT), anim pang mga menor de edad na mga snatcher ng mga cellphone ang nahuli, at ang isa ay nasa kustodiya ng Manila Police District (MPD), habang ang lima ay dinala na sa Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Isang alyas ‘Beng’ sa Tutuban ang bumibili sa mga snatcher ng mga nakaw na cellphone.

Kaugnay nito, 14 na mananaya sa online illegal gambling na ‘sabon’ at karera ang iprinisinta rin ni Moreno na naaresto ng SMaRT noong Biyernes.

Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 in relation to Section 6 of RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012. (Juliet de Loza-Cudia)