Abante Tonite Interactive

Isetann, Tutuban mall bagsakan ng nakaw

527

Nagbabala si Mayor Isko Moreno sa mga nagbebenta ng cellphone na ‘galing sa magnanakaw’ o GSM at maging sa mga bumibili nito na pananagutin sila sa batas.

Inihayag ito ng alkalde matapos maaresto ng mga tauhan ng Special Mayor Reaction Team (SMaRT) ang limang katao na diumano’y nagbebenta at bumibili ng nakaw na cellphone nang mag-inspeksyon sa 4th floor ng Isetann Cinerama Complex sa C.M. Recto Avenue, Quiapo, Maynila noong Biyernes nang hapon.

Kabilang sa mga dinampot na cellphone vendor ay kinilalang sina Arlin Ampado y Bugkos, 40; Labyrinth Camino y Catahum, 32; Renisa Nuñez y Monterola, 34; at mga cellphone technician na sina Jonathan Tagapan y Ramos, 41, at Louichi Perito y Bausin, 24.

Isang 14-anyos na binatilyo naman ang binitbit din ng mga tauhan ng SMaRT matapos magbenta ng nakaw na cellphone.

Samantala, sa kasunod na pag-iinspeksyon ng mga tauhan ni Mayor Isko sa Tutuban Mall, may 148 piraso ng mga cellphone na galing din umano sa nakaw, ang sinamsam.

Wala umanong maipakitang resibo, kahon ng cellphone at warranty ang mga nagbebenta ng cellphone sa mga stall na ininspeksyon sa dalawang mall.
Nabatid na isa-isang gagalugarin umano ng mga tauhan ng SMaRT ang mga lugar na hinihinalang pinagdadalhan o bagsakan ng mga nakaw na cellphone at kakasuhan ang sinumang mahuhuli na sangkot sa gawaing ito. (Juliet de Loza-Cudia)