Abante Tonite Interactive

Isinakay sa ‘ghost train’

0 120

Mga ka-Misteryo nakarinig na ba kayo ng kuwentong karanasan tungkol sa ‘ghost train’ sa Metro Manila? ‘Yan ang ating paksa nga­yon: “Basta may Misteryo, alamin ang totoo!”

Gabi ng Biyernes nang makauwi na si Remuel mula sa kanyang trabaho sa Makati. Hapong-hapo siya at sobrang gutom kaya kumain muna ng hapunan habang nanonood ng programa sa telebisyon.

Hindi namalayan ni Remuel na nakatulog na siya sa sofa nang biglang may lalaking sumulpot sa kanyang tabi at inimbitahan siyang sumama.

Isinalarawan ni Remuel sa #TeamMisteryo ang lalaki na isang mestizo, matangkad, naka-black suit at tie na may black fedora na animo’y miyembro ng men in black o adjustment bureau.

Hindi nakatanggi si Remuel sa imbitasyon nang biglang may tumigil na kakaibang tren sa harapan ng kanyang bahay. Lumang modelo ng tren ang humimpil at nagtaka lang siya dahil malayo sa riles ng PNR, at LRT ang kanyang lugar.

Sinamahan siya sa tren ng naka-ame­rikanang lalaki pero wala itong imik at nakatayo lamang sa pintuan na deretso ang tingin sa kawalan.

Team Misteryo: “Saan patungo ang tren?”

Remuel: “Hindi ko alam pero parang papunta ng Quezon. Ang nakapagtataka lang umangat sa lupa ang tren at kitang-kita ko nasa ibabaw kami ng mga kabahayan.”

Team Misteryo: “Para palang lumilipad ang tren? Ilang oras ang biyahe niyo at saan tumigil?”

Remuel: “Hindi ko malaman kung gaano katagal pero parang mas mabilis sa normal na tren nang biglang tumigil ang tren at pinauna akong bumaba ng mestizong lalaki.”

Team Misteryo: “Anong nakita mo sa paligid nang makara­ting kayo?”

Remuel: “Ang la­king istasyon parang grand station ng tren ang lugar at napansin ko magkakaibang hitsura ang nandun, iba’t ibang nilalang may hitsurang tao habang ang iba ay parang mga napapanood natin sa scifi movies gaya ng ‘Star Wars’, ‘Star Trek’ at ‘MIB’.”

Ituloy natin sa susunod ang pagtalakay at pag-usisa sa karanasan ni Remuel nang sumakay siya sa ‘ghost train’ patungong Southern Tagalog.

***

Para sa inyong mga kuwentong tunay na karanasan ng kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.