Abante Tonite Interactive

ISIS attack sa SEAG nasilat

135

Dalawang hinihinalang ­terorista na balak guluhin ang wala nang isang buwan bago ­i-host ng bansa na 30th Southeast Asian Games 2019 sa iba’t ibang parte ng Luzon ang naaresto ng pulisya Sabado nang umaga sa isang raid sa Southern Luzon.

Nahuli ng puwersa ng ­Philippine National Police ­Region 4A Calabarzon ang ­dalawang hinihinalang ­terorista sa magkahiwalay na ­anti-terror ­operations sa Tayabas, ­Quezon at sa Calamba, ­Laguna ­halos apat na linggo na lang bago ang SEA Games sa Nobyembre ­30-Disyembre 11.

Kinilala ang naaresto sa Tayabas sa bisa ng search warrant ni Judge Cynthia Recablanca ng RTC Branch 27 sa Sta. Cruz, ­Laguna, na si Saidie Saro, isang negosyante na tubong ­Matungao, Lanao del Norte.

Nasamsam kay Saro, na isang sari-sari store owner, ang isang hand grenade, live ammunitions, at isang improvised explosive device (IED) o pipe bombb.
Hindi inamin ni Saro ang mga alegasyon sa kanya kabilang ang hinalang pagiging ­miyembro niya ng isang international ­terrorist group pati ang mga nasamsam.

I-inquest siya bukas sa ­paglabag sa RA 9516 o illegal possession of explosive at RA 10591 o possession of firearms and ammunition.

Huli rin Calamba ang isa pang suspek na umano’y ­miyembro ng kilabot na ISIS (Daulah ­Islamiya Lanao/Maute Group) na si ­Bobby Gabunatan Sarip, sa bisa rin ng search warrant ng nasabing hukom.

Sinabi ni Laguna Police Office Provincial director PCOL Eleazar Matta, na nakumpiskahan ang suspek ng ISIS flag, dalawang MK2 fragmentation grenade, improvised explosive ­device, mga bala at ­cellular phone.

Hindi nagbigay ng anumang pahayag si Sarip.

Patuloy na inaalam ng kapulisan kung saang ISIS subgroup kabilang ang dalawang suspek.

Hinirit pa ng kapulisan na nakatanggap sila ng ­intelligence information na ang mga ISIS member na nasa bansa ay ­nagpaplano ng terror attack sa 11-nation, 12-day sportsfest. (Lito Oredo/Edwin Balasa/Ronilo Dagos)