Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Isko bilib kay Grace Poe

0 85

Nag-uumpisa na noong Oktubre 1 ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa mga tatakbo sa 2022 presidential at vice presidential elections. Unang naghain ng kandidatura sa pagka-presidente si Senador Manny Pacquiao katambal si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza.

Nitong Lunes, naghain na rin ng COC si Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno at ang sorpresang running mate niyang si Dr. Willie Ong.

Inaasaang susunod na ang iba pang magtatambal sa presidential elections tulad ng mga nakapagdeklara nang sina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Tiyak na marami ang nabigla sa pagkakasama ni Ong bilang vice presidential candidate dahil noong 2019 elections ay tumakbo ito sa pagka-senador pero natalo.

Inaasahan kasi ng marami na si Senadora Grace Poe ang kukunin ni Yorme bilang running mate. Inamin naman ito ng campaign manager ng alkalde na si Lito Banayo. Sabi niya, si Poe daw ang first choice ni Moreno na maging katambal sa darating na pampanguluhang halalan.

Malinaw pa sa liwanag ng buwan na bilib si Moreno sa galing at husay ng senadora sa lawmaking at sa public service kaya ito ang first choice niyang maging VP bet. Noong 2016 elections, nagkasama sa isang koalisyon ang dalawa, kung saan si Grace Poe ay tumakbong presidente at si Moreno ay senador naman.

Ayos na sana ang buto-buto, ika nga, pero ang hindi naarok ng kampo ni Moreno ay hindi tinatabla ni Poe ang kaibigan ng kanyang pamilya. Kung tatakbo kasi si Poe, makakalaban niya si Sotto na matalik na kaibigan ng kanyang pamilya.

“Hindi naman namin tinatago na talagang first choice namin si Grace Poe. We tried very hard. Several meetings, even Zoom meetings with her when she was out of the country,” paglalahad pa ni Banayo.

“She couldn’t, she did not agree, principally because I guess one, the personal relationship between her family and Senate President Tito Sotto that weighed on her decision,” dagdag pa niya.

Usap-usapan na baka mag-substitute si Poe kalaunan at maging running mate ni Moreno, pero binaril na ng alkalde ang ganitong senaryo.

“Hindi ko papalitan si Doc Willie. Solve na ako dito,” diin pa ng alkalde. Unti-unti na ring nagre-recruit ang alkaldeng presidente ng Aksyon Demokratiko upang mapalakas ang partido para sa darating na halalan.

Inaasahang exciting ang halalan sa 2022 dahil para kang nanonood ng larong chess kung saan masusing pinag-iisipan ang bawat galaw ng kandidato. Kung palpak kasi ang diskarte, checkmate ang kalalabasan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.