Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Isko-Grace pantapat sa bet ng admin

0 174

Unti-unti nang nagkakalinaw kung sino-sino ang tatakbo sa 2022 presidential at vice presidential elections. Matapos ang ilang beses na pagtanggi, inamin na ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na bukas siya sa posibilidad na tumakbong presidente sa darating na halalan.

Si Mayor Sara ang founder ng regional party Hugpong ng Pagbabago na napasabak noong 2019 midterm elections. Sa 13 senatorial candidate na kanilang kinampanya, 9 ang nanalo.

Ang ama naman ni Mayor Sara na si Pangulong Rodrigo Duterte, seryoso namang pinag-iisipin na tumakbong bise presidente sa darating na halalan. Siya ang chairman ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Pero ngayon pa lang, inuupakan na si Pangulong Duterte ng mismong kapartido niyang si Sen. Manny Pacquiao na siyang presidente ng PDP-Laban. Kakampi ni Pacquiao si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na siyang anak ng founder ng partido na si dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr.

Hindi pa man nakakaarangkada, nagkakagulo na ang mga dating magkakaalyado sa administrasyon. Hindi ito magandang senyales kung gusto nilang manalo sa darating na halalan.

Sakaling tumakbong bise presidente si Pangulong Duterte, siguradong babanatan siya sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) dahil pinangako niya noong 2016 presidential elections na sasakay siya sa jet ski at itatayo ang bandila ng Pilipinas sa isa sa inookupahang isla ng China.

Sinabi na ng Pangulo na campaign joke lang ito at stupid ang mga taong naniwala sa kanya. Hindi ito ang gustong marinig ng mga Pinoy sa ating Pangulo. Sa survey ng Social Weather Station noong Hulyo 2020, 70 percent ang nagsabing gusto nilang panindigan ng Pilipinas ang pagmamay-ari sa WPS at huwag itong upaubaya sa China.

Bukod sa isyu ng WPS, sisingilin din ang Pangulo sa naging pangako nitong susugpuin ang iligal na droga at corruption sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Limang taon na ang lumipas, nariyan pa rin ang problema ng iligal na droga at corruption.

Hindi rin makakaligtas si Pangulong Duterte sa isyu ng umano’y matamlay na COVID response ng gobyerno. Marami sa mga nawalan ng trabaho ang sisisihin ang administrasyon. Damay sa lahat ng isyung ito si Mayor Sara kahit sa HNP pa ito tumakbo.

Kung tatakbo sa presidential elections si Manila Mayor Isko Moreno, wala siyang magiging bagahe sa darating na halalan. Bagkus, magiging bentahe sa kanyang pagtakbo ang transformation ng Maynila. Kung nagawa niyang pagandahin ang Maynila, magagawa rin niyang maibalik ang dating ningning ng Pilipinas.

Magiging plus factor din kay Mayor Isko ang posibleng tambalan niya kay Sen. Grace Poe. Hanggang ngayon, hindi pa rin kumukupas ang lakas ng senadora sa mga botante. Dagdag pa riyan ang mga tagahanga ng yumaong action king Fernando Poe Jr. na patuloy na sumusuporta kay Sen. Poe.

Mahihirapan ang ibang kandidato sa tandem nina Isko at Grace kahit na ang pambato ng administrasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.