Abante Tonite Interactive

Isko lilinisin ang Maynila

0 470

Bibigyan prayoridad ni mayoralty candidate na si dating Manila Vice Mayor Isko Moreno ang problema sa basura sa Maynila kapag pinalad siyang makalusot sa darating na midterm elections sa Lunes, Mayo 13.

Ayon kay Moreno, hindi niya po-problemahin ang basura dahil mula sa pagkabata ay ito na ang kanyang kasama.

“Diyan ako eksperto, alam naman ninyo kung saan ako galing, kaya alam na alam ko ang gagawin ko diyan para mawala ang problema sa basura sa Maynila,” turan pa nito.

Kinakailangan lamang umano na gumawa ng mga hakbang kung paano ang ibang basura ay ma-recycle.

Kasabay nito, sinabi ni Moreno naniniwala siya na epektibo ang kanyang house to house campaign para makuha ang boto ng mga botante.

Hindi umano siya gaanong nagla­lagay ng tarpaulin dahil mas gusto niyang personal na nakakausap ang mga tao.

“Hindi na kailangan masyado ‘yung mga tarpaulins na ‘yan, kasi tinatanggal lang naman ng suppor­ters ng kalaban dapat ay malaman ng taumbayan na tatakbo ka,” ayon kay Moreno. (Juliet de Loza-Cudia)