Abante Tonite Interactive

Isko nag-quarantine uli

601

Muling sumailim sa self-quarantine si Manila Mayor Isko Moreno makaraang dumalo sa isang pulong kasama si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia at isa pang city department head na parehong nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Una nang nag-quarantine si Moreno nang dumating dumating mula sa United Kingdom para sa isang official trip noong unang bahagi ng Marso.

Nabatid na nasa ikalimang araw na kahapon si Moreno sa kanyang ikalawang self-quarantine.

Sinabi ng alkalde na malusog siya at ang kanyang self-quarantine ay bilang pagsunod lamang sa protocol dahil nakahalubilo niya ang mga taong nagpositibo sa COVID-19.

“Following protocol, ako ay nagkusa na mag-ingat para sa mga kasama, para sa aking sarili, sa aking pamilya at para sa inyo, para tuloy pa rin na mag-function properly ang lungsod. Nag-submit kami ng panibagong test at hihiintayin pa ang ilang araw para kumalma ang lahat at maiwasan ang kuro-kuro,” ayon kay Moreno na nanatili sa Manila City Hall sa loob ng limang araw.

Bagamat limitado ang kanyang galaw ay ginagamit naman ng alkalde ang video calling upang makausap lahat ng department head ng city hall at tiyakin na tama ang mga direktiba sa pagdadala ng food assistance sa mga tao lalo na sa mga mahihirap.

“Ako po ay malusog. Maraming nagko-comment na magpahinga ako o mukhang pagod. Huwag po kayong mag-alala. Salamat po sa inyo. Kung baka tayo magkasakit o mahawa, ang tawag diyan ay occupational hazard. Wala tayong magagawa dahil dapat tupdin natin ang ating mga tungkulinm”” dagdag ni Moreno.

Sinabi pa nito na balewala ang kanilang sakripisyo kung ihahambing sa mga health worker mula sa mga pribado at publikong ospital. (Juliet de Loza-Cudia)

Tonite – Wendys Inhouse Ad