Abante Tonite Interactive

Isko sa mga kotongerong pulis-Maynila: May kalalagyan kayo!

298

Nagbanta kahapon si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na may kalalagyan ang mga kotongerong pulis Maynila na sangkot sa mga iligal na aktibidad.

Ang pahayag ay ginawa ni Moreno matapos makarating sa kanyang kaalaman na may mga pulis-Maynila ang nag-uutos sa mga organizer na manghingi ng pera sa mga vendor sa Maynila.

“I will move heaven and earth sa lahat ng nangongotong na pulis sa Lungsod ng Maynila, may kalalagyan kayo sa pwetan ng bansa. Hindi kayo makuha ah.

Binibigyan ko kayo ng glow, para kuminang ang mga chapa niyo, kayo ang dumudungis,” ayon kay Moreno.

“Hindi n’yo ako mato-tolongges. Oh ngayon, lahat ng pulis, lahat, General (Bernabe) Balba, inaabisuhan kita. PO1, inaabisuhan kita. Lahat kayo makikita n’yo ang hinahanap niyo,” dagdag pa ni Moreno.

Sinabi ni Moreno na hindi siya mangingiming hiyain ang mga ‘kotong cops’ na nagpapasama sa imahe ng Maynila.

“Pagbibigyan ko pa kayo pero kapag nahuli ko kayo hindi ko lang kayo itatapon kung saan man kayo dapat mapalaban,” ani Moreno.

Hindi na umano gugustuhin pa ng mga kotong cops na mabuhay kapag sila ay ipinahiya dahil ayaw nilang magtino. (Juliet de Loza-Cudia)