Abante Tonite Interactive

Isko sa nag-vandal sa underpass: Ipabubura ko ‘yan sa dila n’yo!

295

Binantaan kahapon ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang lahat ng magbabandalismo sa lungsod na padidilaan nito ang kanilang mga isinulat sa sanda­ling mahuli sila ng mga pulis.

Sinabi ni Moreno na lantarang pambabastos at pananabotahe ang ginagawang pagdudumi at pagsusulat ng ilang indibiduwal sa mga pagmamay-ari ng pamahalaan.

Iginiit ng alkalde na ginawa ng lokal na pamahalaan ang lahat para ayu­sin at linisin ang mga pader pero may mga indibidwal pa rin na pasaway.

Nabatid na kaagad namang inaksyunan at binura ang mga ipi­nintang spray paint sa ilang bahagi ng Lagusnilad Underpass.

Muli itong pininturahan ng mga tauhan ng Department of Enginee­ring and Public Works at Department of Public Services.

Samantala, humingi na ng paumanhin sa publiko ang grupong Panday Sining dahil sa kanilang ginawang bandalismo sa ilang underpass sa Maynila na nauna nang nilinis at pininturahan ng mga tauhan ng city hall.

Giit ng grupo, kinailangan nilang gawin ito para mailabas ang kanilang saloobin hinggil sa mga nangyayari sa bansa sa kasalukuyan. (Juliet de Loza-Cudia)