Abante Tonite Interactive

Isko tuliro sa mga pasaway sa Sampaloc at Tondo

1,442

Nagpahayag ng pagkaalarma si Manila Mayor Francisco `Isko Moreno’ Domagoso dahil sa pagiging pasaway ng mga residente ng Sampaloc at Tondo dahil sa patuloy na pagsuway sa mga inilatag na alituntunin upang makaiwas at hindi kumalat ang mapamuksang COVID-19.

Nabatid na ang lugar ng Sampaloc at Tondo ang may mataas na bilang ng Persons Under Investigations.

Sa kanyang public address kamakalawa ng gabi, sinabi ni Moreno na noong Marso 26, mayroon ng 36 na COVID 19 positive patients sa Maynila makaraang may madagdag na apat na bagong kaso.

Sa nasabing bilang, 11 ang galing sa Sampaloc kung saan base sa nakarating na ulat ay patuloy pa ring nagkalat sa kalye, nag-iinuman kahit curfew hour na.

Habang mayroon ng 144 PUIs at sa bilang na ito 30 percent ay mula first at second districts sa Tondo ayon kay Moreno.

‘Baka me napapanood kayo sa YouTube na okay lang, napapabalita naman kung sino-sino na ang dinadapuan.. lahat tayo pwede magkaroon ng ganitong masamang karamdaman. Walang gamot eh. Hindi ako magsasawang manawagan.. pumirmi kayo sa bahay ninyo,’ ayon kay Moreno.

‘Tinatawag ko pansin ng mga taga-Sampaloc. Kailangan ninyong tupdin ang social distancing at quarantine na panawagan ng national government. Sa 36 na kaso ng may COVID 19 sa Maynila na kasama sa national list, 11 ang taga-Sampaloc. Ang nagsasabi nang tapat, nagsasama nang maluwat’.

Samantala, inulat ni Moreno na umabot na sa kabuuang 76,632 pamilya ang nahatiran ng food packs kasabay ng paghingi ng pasensya dahil sa pagbabago ng packaging na mula sa box ay naging bag na lamang.

Gustuhin man ni Moreno na gawing presentable ang food packs, minabuti na lamang nila na i-repack ito ng mas mabilis para makarating agad sa mga kinauukulan gaya ng nangyari sa Sta. Mesa.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang alkalde sa pamilya ng mga doktor, nurses at iba pang healthworkers at mga law enforcers na nagbuwis ng kanilang buhay sa pagtugon sa kanilang tungkulin sa pakikipagharap sa covid-19.

Tonite – Wendys Inhouse Ad