Abante Tonite Interactive

ISKUP 3 PNP chief ipapalit kay Albayalde

0 204

Dahil sa mga kontro­bersiyang kinakaharap ng Philippine Natio­nal Police (PNP) ay pinag-aaralan umano kung posibleng magtalaga na lamang ng tig-isang police chief para sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon sa source ng online news Politiko, napag-uusapan sa Palas­yo ang pagtatalaga ng top cop para sa Luzon, Visayas at Mindanao dahil na rin sa hindi matapos-tapos na problema ng bata-bata at mistah mentality sa PNP.

Sinabi pa ng source na nahihirapan si Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa pagpili ng kanyang ipapalit kay dating PNP Director General Oscar Albayalde na inakusa­han ng pagkakanlong sa kanyang mga tauhan na sangkot sa recycling ng mga shabu na nasamsam sa isang drug bust sa Pampanga noong 2013.

Inilutang aniya ang suhestiyon kay Pangulong Duterte na magta­laga na lamang ng isang PNP chief para sa Luzon, Visayas at Minda­nao sa isang pagpupulong hinggil sa ipapalit kay Albayalde.

Ayon sa source, bukas naman ang Pangulo hinggil dito at inatasan umano ang kanyang legal staff na pag-aralan kung posibleng gawin ito. (Nancy Carvajal)