Abante Tonite Interactive

Iskwater sa city jail ng Parañaque, wawalisin

By
12

Dahil sa naganap na pagsabog sa loob ng Parañaque City Jail na ikinasawi ng 10 preso, ipinag-utos na kahapon ni Mayo­r Edwin Olivarez ang paggiba at paglilinis sa mga informal settlers na naka­tirik ang mga tirahan sa paligid ng bilangguan.

Hiniling din ni Olivarez sa mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at mga opisyal na mag-iimbestiga sa insidente ng pagsabog noong Huwebes ng gabi kung paano nakapasok sa loob ng pasilidad ang granadang sumabog at ang Uzi machine gun na pinaputok.

Napag-alaman ni Oli­varez na nakakapasok umano sa loob ng city jail sa may Coastal Road ang mga kontrabando tulad ng mga bladed weapon, baril at cellphone unit na nagmula sa mga informal settlers at tindahan na naka­paligid sa bilangguan.

Kadalasan umanong ginagawa sa madaling-araw ang pagpupuslit ng mga kontrabando sa loob ng jail building kapag tulog ang mga tao at wala nang rumorondang barangay tanod samantalang ang mga jail guard ay abala sa panonood sa telebisyon at paglalaro ng baraha.

“Gamit ang improvised na tali, laging nami­mingwit ng mga kontrabando ang mga preso ng Parañaque City Jail at ito ay matagal nang kalakaran pero hindi sinisita ng mga jail guards dahil naki­kinabang din sila,” sinabi kay Olivarez ng isang babaeng residente sa lugar.

Nagkaroon din umano ng Oplan Galugad sa loob ng city jail noong Hunyo kung saan nakakumpiska ng apat na matataas na kalibre ng baril sa mga high profile inmates pero isinikreto ito ng mga opisyales ng BJMP at wala pang nakakasuhan hanggang ngayon.