Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Islamic cemetery regalo ng Maynila sa mga kapatid na Muslim

0 160

Noong Lunes ay aming pinasinayaan sa isang simpleng seremonya ang ‘Manila Islamic Cemetery’ na matatagpuan sa loob ng Manila South Cemetery na pinatatakbo ng pamahalaang-lungsod.

Ang nasabing okasyon ay pinagningning ng pagdalo ng mga high-profile na miyembro ng Muslim community gaya nina Maguindanao Congressman Toto Mangudadatu, Her Excellency Hajah Johariah Binti Haji Wahab, Ambassador from the Embassy of Brunei Darussalam; His Excellency Norman Bin Muhammad Ambassador Extraordinaire and Plenipotentiary from the Embassy of Malaysia together with First Secretary Mrs. Ayu Zie Muhammad Khairul Anuar; Widya Rahmanto, Charge d’ Affaires at Tegu Wiwenko, Minister Counsellor from the Embassy of the Republic of Indonesia. Pinasasalamatan ko sila sa kanilang pagdalo.

Sa kabilang banda, kasama ko naman na kumatawan sa lungsod ng Maynila sina Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Muslim Affairs Director Shey Sakaluran Mohammad, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, city engineer Armand Andres, tourism department chief Charlie Dungo at South Cemetery Director Jess Payad.

Anag bagong-bukas na sementeryo ay matatagpuan sa 2,400 square- meter lot at magsisilbi bilang ‘exclusive ground’ para sa paglilibing ng mga katawan at buto ng mga Muslim na residente ng Maynila. Ang paggawa nito ay alinsunod sa Manila Ordinance No. 8608 na iniakda ni Councilor Awi Sia. Ito ay ipinasa ng Manila City Council kung saan si Vice Mayor Lacuna ang namumuno bilang presiding officer.

Ang inilaang budget para dito ay P49.3 million at kasama na diyan ang pagtatayo ng Cultural Hall at paglikha ng mga plantilla items para sa personnel hiring ng bagong Muslim Cemetery Division.

Kapuna-puna na habang may mga sementeryo para sa Pilipino at Chinese sa Maynila, marapat lamang na magkaroon din ng isa para naman sa mga miyembro ng Muslim community na naka-base sa lungsod.

Gayundin, sa loob ng 23 taon kong pananatili bilang bahagi ng gobyerno, nakarinig na ako ng maraming kwento ukol sa kung gaano kahirap para sa mga kapatid nating Muslim sa tuwing sila ay mamamatayan ng miyembro ng pamilya o komunidad, lalo pa sa mahihirap.

Sa di mabilang na pagkakataon, ang katawan ng mga pumanaw nilang mahal sa buhay ay ibinibyahe pa sa kanilang probinsiya upang mabigyan lamang ng karapat-dapat na paglibing at kadalasan ay malaking halaga ang ginugugol nila dito sa pamasahe pa lamang.

Dahil diyan ay nangako ako kay dating Bangsamoro Transition Committee chair Ghazali Jaafar ng kung pahihintulutan ng Diyos na ako ay maging alkalde ng lungsod, titiyakin ko na magpapagawa ako ng isang sementeryo na ‘exclusive’ lamang para sa mga Muslim.

Sa pagpapatayo ng ‘Manila Islamic Cemetery,’ aming tiniyak na lahat ng tradisyon sa bawat Muslim burial ay bibigyan ng halaga dahil alam naman natin na ang paglilibing ay isang seryosong tradisyon sa bahagi ng mga Muslim.

Kaya naman ito ay kumpleto, kung saan isang kwarto ang inilaan para sa tradisyunal na paghuhugas ng katawan na ginagawa bago ilibing ang isang namayapang Muslim.

Ang nasabing himlayan ay ang simple subalit taos-pusong regalo at pagkilala ng pamahalaang-lungsod sa ating mga kapatid na Muslim. Ito ay isang paraan upang maipakita ng lungsod ang pagbibigay nito ng parangal sa mga ninuno nating Muslim, na kinabibilangan nina Rajah Solaiman, Rajah Matanda, Rajah Bago at Lakandula, na pawang namuno sa pag-alsa sa Luzon laban sa mga mananakop.

Ito ay amin ding paraan upang ipakita ang buong pagtanggap ng lungsod sa Muslim communities at maiparamdam sa kanila na tahanan din nila ang Maynila.

Ang tangi naming gusto ay magkaroon sila ng tinatawag na ‘sense of belonging’ at burahin lahat ng mga bias at prejudice laban sa mga Muslim, dahil lahat naman tayo ay Pilipino, kung tutuusin.

Ang pagtatayo ng nasabing sementeryo ay isa ring pag-amin sa pagkukulang ng lungsod sa nakaraan pagdating sa pagkilala sa mga Muslim na naninirahan sa lungsod na umaabot ng 20,000 kung saan pinakarami sa mga lugar ng Quiapo, San Miguel, Baseco, Parola at San Andres.

Bagamat hindi sapat, ang pagbibigay ng isang ‘burial site’ para sa kanila ay ang aming simpleng pamamaraan ng pagkilala sa ating mga ninuno at pagbibigay parangal sa kanila bilang mga bayani na dapat ay noon pa ginawa.

Naibalita sa akin ni Congressman Toto Mangudadatu na naghain siya ng bill sa Kongreso na humihimok sa iba pang local government units na magtayo din ng parehong Islamic Cemeteries. Sana ay umusad ito.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.