Abante Tonite Interactive

Ispesyal Report: Mga Pinoy pasaway sa kalsada

287

Para kay Odeth Mariano, residente ng Malibay, Pasay City, hindi madali ang nararanasan nito sa pagtawid sa mga kalsada, “Nakakapagod ang pagpanik sa hagdan ha, pero no choice na dahil isinara na nila ang kalsada sa Pasay Rotonda kaya sa overpass na talaga kailangang dumaan.”

Tila bahagi na ng pag-uugali ng mga Pinoy ang maging pasaway o hindi sumunod sa mga alituntunin na ipinagbabawal sa eskuwelahan man, sa trabaho o maging sa kalsada.

Isa na rito ang pagsuway sa batas pangkalsada tulad ng jaywalking o hindi pagtawid sa tamang tawiran na tila hindi na nadadala sa babalang ‘Bawal tumawid may namatay na dito’.

Abante Hiring – IT dep

Kahit pa mahigpit na ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga alituntunin para sa kaligtasan ng mga pedestrian at motorista at upang maiwasan ang anumang sakuna at panganib na dulot ng pagtawid sa kalsada.

Ayon sa MMDA, bagama’t may mga itinayo na silang mga footbridge bilang tawiran ng tao sa mga highways, may mga pinipili pa rin na ipagsapalaran ang kanilang buhay at tumawid sa mapapanganib na kalsada tulad ng EDSA at Commonwealth Avenue.

Base sa record ng MMDA sa ilalim ng Metro Manila Council Resolution No. 143-13 Violation o Anti-Jaywalking Operation, umabot sa 11,268 ang nahuhuling pasaway mula Enero 4 hanggang Marso 21, 2019 sa Metro Manila na kung saan karamihan sa mga ito ay nabigyan ng citation ticket.

Nabatid na sa unang nang hiniling ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan na miyembro ng Metro Manila Council (MMC) na tutukan at paigtingin ang kampanya laban sa jaywalking na hindi na pinapansin ngayon ng publiko at lantarang nilalabag.

Sa unang taong ginawa ito ay marami ang nahuli at marami rin ang sumunod.

Tumatawid sa tamang tawiran, pumapanik sa overpass at sumusunod sa traffic lights para tumawid kaya naman maayos na naimplementa ang kanilang ordinansa laban sa jaywalking subalit tila bumabalik pa rin sa dating gawi.

Ayon kay JR Biason, ng MMDA-Caloocan, pansamantalang itinigil ang pagpapatupad ng jaywalking sa Monumento area dahil na rin sa mga pagtatalaga ng Caloocan City Government ng Traffic Management Team na siyang nangangasiwa sa trapiko sa Monumento at sila na rin ang sumisita sa mga pasaway.

“Madami talaga ma’am ang pasaway. Kahit anong higpit naming sa bawal na pagtawid ay siya pa ring tawid ng mga tao kaya ginagabayan na lang namin sila sa pagtawid para ligtas sila, lalo na ang mga matatanda,” ayon pa kay Biason.