Abante Tonite Interactive

Istoryahe

By
0 381

Urong-sulong na lang lagi ang administrasyong ito. Hindi naman pala magaganap ang press conference na unang inanunsyo ng Malacañang. Isang panayam lang sa pagitan ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang siyang tumambad sa taumbayan. 

Nakakadismaya na ang inaakalang mahalagang pahayag ng Pangulo sa taumbayan ay isa lang palang pakulong walang patutunguhan. Sa huling pagsusuri, ang mga mahahalagang katanungan ng bayan ay hindi nabigyan ng wastong tugon.

Sa usapin tungkol sa inflation, sinabi ng Pangulo na tinutugunan na ito ng kanyang mga eksperto sa ekonomiya ngunit hindi nasagot kung paano at kailan ba mararamdaman ang epekto ng mga solusyon na ito. Ang nakakabahala pa ay eto ring mga ekspertong ito ang siyang patuloy na pumapalya sa kanilang mga prediksyon sa kung gaano tataas ang inflation sa bansa. Paano mapapanatag ang mga Pilipino sa ganitong klase ng sagot?

Ang tumataas na presyo ng bigas naman daw ay artipisyal. Itinatago raw ng mga rice hoarder at ibang mga manga­ngalakal ang kanilang mga imbak na bigas para mapataas ang pres­yo nito. Ayon sa Pa­ngulo, importasyon lang daw ang solusyon, pero wala siyang nasabi kung paano pananagutin o may napanagot na ba sa mga rice hoarder. Walang pakialam ang Pangulo kung ang importasyon ng bigas ay maging sanhi ng pagkalugi ng ating mga magsasaka, basta ang alam niya tama siya.

Ilan lamang ang a­king nabanggit sa hindi bababa sa 20 isyung tina­lakay sa isa’t kalahating oras na panayam sa Pangulo. Ang sagot ng Pangulo sa mga isyung ito ay mga pahayag na pinaulit-ulit na lang mula sa mga nauna niyang panayam. Sa puntong ito, tila ba si­rang plaka na lang ang administrasyon.

Mas kapansin-pansin ang mga patama ng Pangulo sa kanyang mga kritiko. Bukambibig ni Pangulong Duterte si Joma Sison, ang mga Komunista, si Sen. Antonio Trillanes at ang mga sundalong kuma­kampi diumano sa kanya. Pero sa dinami-rami ng sinabi ng Pangulo, hindi naman siya nakapagbigay ng patunay sa mga akusasyong ito.

Malinaw na itong pausong “tete-a-tete” ng Malacañang ay isa na namang paraan ng administrasyon upang pagtakpan ang lumalalang kapalpakan nito. Hindi naman talaga sagot sa tanong ng taumbayan ang layunin ng pana­yam sa Pangulo, gusto lang nilang magkaroon ng pagkakataong magpalusot sa krisis na sila rin ang lumikha at para ipaliwanag ang nagka­kabuhol-buhol na nilang mga kasinungalingan.

Ang masama pa dito, kaban ng bayan ang pinagkunan ng pondong ginamit para sa moro-morong pinagbidahan ni Pangulong Duterte at ni Atty. Panelo. Biruin mo nga naman, pondong dapat napunta sa taumbayan, nagamit para sa walang kuwentang talakayan.