Isyu sa bagong number coding uupuan pa

Hindi pa rin napag-uusapan ng Metro Manila Council ang implementasyon ng bagong number coding scheme.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Romando Artes, una nang napag-usapan ng NCR mayors ang iminumungkahing patakaran bago ang halalan.

Muli umano silang magpupulong para talakayin ito, pero humihingi pa sila ng dagdag na impormasyon kaugnay dito.
Isa sa mga inirerekomenda ng MMDA na coding scheme ay dalawang beses kada linggong pagbabawalan sa EDSA at sa iba pang pangunahing lansangan ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 1 at 2 tuwing Lunes at Miyerkules; 3 at 4 sa Lunes at Huwebes; 5 at 6 sa Martes at Huwebes; 7 at 8 sa Martes at Biyernes; at 9 at 0 tuwing Miyerkules at Biyernes. (Damien Horatio Catada)