Abante Tonite Interactive

Itaas ang mga kamay!

0 260

Dr. Rylan Flores

Isa na namang common issue ang pinagbigay pansin ng isa sa ating reader na si Georgia. At dahil malamang na ‘di lamang siya ang nakakaranas ng ganitong sakit, makabubu­ting pag-usapan na natin ito. Tawagin natin ang sakit na ito na Frozen Shoulder.

Madalas ang reklamo ay masakit na balikat, ngunit katulad ng ibang sakit ng katawan, kailangang matukoy ang tunay na dahilan nito. Maaaring ito ay matagal nang nararamdaman, hindi napapansin at unti-unti lamang na lumalala. Sa paglipas ng panahon, ilang linggo, buwan o taon, ang sakit ay nananatili o ‘di kaya ay mas tumitindi pa, lalong-lalo na kapag nabigla ng kilos at galaw ang balikat. Sa eksaminasyon, ‘di lang sakit ang naoobserbahan, kundi limitasyon ng saklaw ng balikat ang mas kitang-kita.

Simpleng pag-angat ng kamay, pagpatong sa ulo at pag-abot sa kabilang tenga o paibabang abutin ang kalagitnaan ng likod (sa kababaihan, pinapaabot ang bra). Kadalasan, ‘di man lamang maabot ang ilong o ‘di kaya ang sinturera ng pantalon. Kapag umabot sa ganitong limitasyon ng paggalaw, ang sakit ay malala na ngunit maaari pa ring hindi napapansin agad-agad dahil sa lawak ng saklaw ng dibdib, siko, pulso, at mga daliri.

Ang tunay na problema ay wala sa buto, kaya kadalasan normal ang makikita sa mga X-rays. Ang pinagmumulan ng problema ay nasa tinatawag na soft tissues. Ang soft tissue, lalong-lalo na ang kapsula ng balikat ay nanikit dahil sa pagkipkip nito ng matagal na panahon. Masasabi na­ting na-‘stuck up’ ang balikat. Ang pag-inom o pag-iniksyon ng mga gamot ay maaaring maka­bawas ng kirot, ngunit kung ‘di maikikilos ang balikat, balewala ang mga ito at mananatili ang sakit. Ang pinakamabuti ay maikilos at maigalaw nang wasto sa tulong ng physical therapy at regular na ehersisyo. Ang layunin nito ay mapalawak ang saklaw ng balikat ng sa ganoon ay ‘di mapilay o ma-strain, o pulikatin ang mga muscles. Kung talagang malala na ang sitwasyon, may ilang pasyente na kinakailangan nang dalhin sa operating room, hindi para operahan at sa halip ay patulugin lamang sa pamamagitan ng anesthesia, upang mamanipula at maikilos nang mabuti ang balikat.

Pagkatapos nito ay pinapayuhan ang pasyente ng tuloy tuloy na physical therapy.

Ang maipapayo ko lamang, katulad ng dati, sanayin natin ang ating mga sarili na nag-eehersisyo o kahit stretching man lamang araw-araw nang sa ganoon ay ma­ging pamilyar tayo sa normal na kalagayan at galaw ng ating katawan.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

Sundan ako sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentayo at katanungan.