Abante Tonite Interactive

Itanong sa tax mapping division

307

Dear Atty. Claire,

Itatanong ko lang po kung saan sangay dapat pumunta para malaman kung sino ang may-ari ng isang lupa na kinatitirikan ng bahay ko o kung meron bang may-ari nito?

Tanong ko rin po kung paano ito maipapangalan sa isang tao kung sakaling wala pang nagmamay-ari ng lupang ito?

Salamat po,
Rolando

Dear Mr. Rolando,

Ang isa sa mga ­sangay na maaari mong puntahan upang malaman kung ang lupa na inookupahan mo ay mayroon nang may-ari ay ang Tax Mapping Division sa inyong munisipyo o lungsod.

Ang tax mapping ay isang paraan na ginagawa upang ma­laman at matukoy ang mga parsela ng lupa at ma-classify ito para sa tamang pagbabayad ng ­buwis. Sa tax mapping din malalaman kung ang isang pro­perty ay deklarado na inookupahan o may titulo na.

Makipag-ugana­yan lamang sa Tax Mapping Division at ibigay ang address ng lugar at makikita sa record nila kung ang lupa ay titulado na.

Maaari ka rin pu­munta sa Assessor’s Office at ­sabihin ang address ng iyong tinutuluyan at sabihin na nais mo ipadeklara ito sa pangalan mo at ito ay iyong ipasuri (ocular inspection). Kapag nabatid nila na qualified ito na ideklara sa pangalan ay magkakaroon ka ng real property tax declaration at babayaran mo ang amilyar taon-taon.

Hindi basta-basta ang pagpapatitulo ng lupa. Dapat patuna­yan ang matagal na pag-okupa sa lupa. Kapag ang pag-okupa ay in good faith at 10 taon na tuloy-tuloy. Ngunit ang ang pag-okupa naman ay may bahid ng bad faith (may mas naunang mag-okupa at umalis at iyong tinirahan) ay maaari mo lamang maangkin ito kapag 30 taon ang iyong tuloy-tuloy na pagtira rito.

Ang pag-okupa ay dapat na lantad na parang ikaw ang may-ari at hindi patago at walang ibang taong umaangkin nito maliban sa iyo.

Kapag napatuna­yan ito ay maaari ka nang magsampa ng petisyon sa Regional Trial Court upang mapatituluhan ang lupa.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.