Abante Tonite Interactive

Itapon ang lahat ng toxic ngayong taon

0 162

Dear Abante Tonite:

Hanggang kailan ba tayo magigising sa katotohanang unti-unti nang nawawasak ang daigdig dahil sa kapaba­yaan mismo ng tao? At kailan tayo gagawa ng konkretong hakbang para maiwasan ito?

Gumagawa man ng kanya-kanyang hakbang ang mga lokal na pamahalaan tulad ng pagpapatigil sa paggamit ng plastic na isang beses lang gagamitin, tingin ko’y kulang na kulang pa rin ito.

Bago matapos ang 2019, hinayag ng Department of Environment and Natural Resources na mayroong krisis sa basura sa bansa. Isa na itong patunay na kailangan na ng aksyon para matugunan ang problemang matagal nang umaalingasaw sa bansa.

Hindi na sapat ang iba’t ibang clean up drive, lalong-lalo ang mga fun run para sa kalikasan.

Bilang suhestyon, simulan natin ito sa ating mga sarili. Sa bahay pa lang ay matutong maghiwalay ng mga basura at umiwas na sa paggamit ng plastic hangga’t maaari, tulad ng mga pumipili pa rin sa mga naka-sachet na produkto. Tunog cliche ito, pero ito kasi ang pinakamaliit na paraang nakikita ko na magagawa ng bawat isa.

Hindi lang dapat na toxic na tao ang iwasan ngayong 2020, dapat plastic din.

Ira ng Makati City