Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Itigil na ang red-tagging

0 272

Sumusunod ang aking pahayag sa pagdinig ng Senado hinggil sa isyu ng red-tagging.

Humaharap ako bilang kasalukuyang pangulo at dating kinatawan sa Kongreso ng ACT Teachers Party, na kabilang sa Makabayan bloc, at bilang dating tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), na parehong target ng red-tagging at terrorist-tagging ng mga opisyal ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict), at ilang beses din nilang binanggit sa mga nakaraang hearing ng komiteng ito.

Bilang tugon, nais ko pong tawagin ang pansin ng komite sa patuloy na red-tagging at pagbibitiw ng mga nakababahalang banta laban sa aming organisasyon ni Lt. General Antonio Parlade, Jr. sa isang artikulo na lumabas sa Manila Times noong Nobyembre 26, 2020, na pinamagatang “Who are friends and who are enemies of the state?”

Una, sa artikulong ito, patuloy siyang nagbabato ng wild and baseless na mga akusasyon laban sa maraming mga progresibong organisasyon, ngunit magfo-focus ako sa sinabi niya tungkol sa ACT. “The NPA goons threatened the Department of Education as they recruited Association [sic] of Concerned Teachers members from among innocent teachers.” Hindi NPA ang mga organizer ng ACT, hindi namin kailanman pinagbantaan ang Department of Education, at malaya at kusang loob na sumasapi sa aming unyon ang mahigit isandaang libong mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon sa buong bansa. Walang anumang ebidensyang inilatag si Gen. Parlade sa kanyang alegasyon.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pangalawa, umamin si Gen. Parlade ng personal knowledge sa pagkakasangkot ng militar sa isang kaso ng extrajudicial killing ng isang red-tagged na indibidwal. Binanggit niya sa artikulo ang pagpatay kay Fr. Pops Tentorio, isang Italian missionary priest na ilang dekadang naglingkod sa lumad communities sa Mindanao na pinatay sa kanyang parish church sa Arakan, North Cotabato noong 2011. Halos isang dekada matapos ang pagpaslang, nire-review pa rin ng DOJ ang rekomendasyon ng NBI na sampahan ng kasong murder ang ilang indibidwal, sa pangunguna ng isang Lt. Colonel at isang Major ng Philippine Army. Ngunit pansinin ang pahayag ni Gen. Parlade:

“Let’s refresh our minds on the recruitment of Indigenous People’s (IP) children in North Cotabato by Fr. Pops Tentorio, an Italian priest who was later killed for sending to the NPA ranks 700 of his 800 “scholars.”

Hindi simpleng spekulasyon ito ni Gen. Parlade (walang paggamit ng “allegedly” or “probably”), kundi deklarasyon bilang totoo hinggil sa motibo ng pagpaslang kay Fr. Tentorio, na maaari lamang magmula sa isang may direktang kaalaman sa kung sino ang pumatay at iba pang sirkumstanya ng krimen. Sana’y hingiin ng komiteng ito mula kay Gen. Parlade, bilang alagad ng batas, ang pagsiwalat ng lahat ng nalalaman niya hinggil sa krimen at kung ano pa ang nalalaman niya sa posibleng pagkakasangkot ng militar sa iba pang kaso ng pagpatay ng mga red-tagged individuals. Sa sarili niyang bibig, pinatunayan niya ang direktang ugnayan ng red-tagging at pandarahas, at ang kamay ng militar dito.

Pangatlo, winakasan ni Gen. Parlade ang kanyang artikulo sa pagbitiw ng isang malinaw na death threat laban sa mga organisasyong kanyang ni-red tag. “Soon, very soon, blood debts will be settled.” Nawa’y hindi ito palampasin ng Senado, sapagkat hindi ito katanggap-tanggap na lenggwahe ng isang mataas na unipormadong opisyal ng gubyerno na may sinumpaang tungkuling irespeto ang karapatan ng bawat Pilipino.

Lalong patunay ang ganitong mga pahayag nina Gen. Parlade at ng NTF-ELCAC kung bakit kailangang ipatigil ng Senado ang red-tagging sa mga lumalaban para sa mahirap at inaapi, kritiko ng gubyerno, at oposisyon, at panagutin ang mga responsableng opisyal sa karahasan at panunupil na dulot nito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.