Abante Tonite Interactive

Itim na ahas

2,384

Napanaginipan ko pong nakakita ako ng kulay itim na ahas na nakapormang parang manunuklaw. Hindi naman siya kalakihan kaya ­hindi ako natakot.

Nakahanap daw ako ng malaking kahoy at pinagpapalo ko raw ang ahas. Ramdam kong gigil na gigil ako habang hinahambalos ko ang ahas.

Hindi ko na napatay ang ahas dahil nagising na ako. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Ang ahas sa panaginip ay kadalasang ikinokonek sa mga kinatatakutan mo sa buhay. Puwede rin itong maging simbolo ng isang pagtatraydor lalo na kung sa aktuwal na buhay ay merong ganitong pangamba ang nanaginip.

Kung sa iyong buhay ay meron kang isang taong nararamdaman mong may ginagawa sa iyong hindi maganda at hindi nagiging totoo sa iyo, puwedeng dito mo maikonek ang iyong panaginip.

Ang itim na ahas ay simbolo rin ng hidden agenda. Sabi mo nga sa iyong panaginip ay tila nakapormang manunuklaw ang ahas kaya malinaw na naramdaman mong threat ito sa iyo.

Related Posts

Sa iyong panaginip ay kumuha ka ng pamalo para patayin ang ahas at kahit hindi mo ito tuluyang napatay ay pinagpapalo mo ito hanggang sa magising ka na nga.

Ang eksenang ito ay nagpapakitang kung meron ka ngang nararamdamang threat sa aktuwal mong buhay ay naroon ang iyong kahandaang labanan ito. Hindi ka takot lumaban sa kung anuman ang nega­tibong sinisimbolo ng ahas sa iyong panaginip.

Kung ang ahas sa iyong panaginip ay naikokonek mo sa isang indibiduwal na posibleng nagtatraydor sa iyo, naroon ang iyong kahandaang labanan ang taong ito tulad ng ginawa mo sa ahas.

Ang iyong panaginip ay puwede ring paalala o isang wakeup call ng iyong subconscious na maging mapagmatyag sa paligid dahil posibleng may ahas na umaaligid.

Isang paalala na dapat hindi tayo masyadong kumpiyansa dahil hindi lahat ng nagpapakilalang kaibigan ay totoo. At sabi nga nila, kahit sa siyudad ay may ahas kaya hindi naman masamang maging maingat tayo sa lahat ng pagkakataon.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinala­man sa relihiyon, kulto o anumang ispiri­twal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.