Abante Tonite Interactive

It’s over and done Faeldon!

0 415

FOR THE RECORD
Dindo Matining

Halos siyam na buwan mula nang hawakan ni Nicanor Faeldon and Bureau of Corrections (BuCor), heto’t nag-goodbye na siya matapos sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kontrobersiya sa early release ng heinous crime convicts, partikular ang convic­ted rapist-murderer na si ex-Mayor Antonio Sanchez.

Kumbaga, buminggo na talaga si Faeldon kaya nabuwisit na ang Pangulo hanggang tuluyan na siyang sinipa sa BuCor. Sabi nga nila, nice move ang ginawa ni Duterte, bravo ika ng mga taga-oposisyon.

Ito na ang pangatlong ahensiya ng gob­yerno na pinamunuan ni Faeldon sa ila­lim ng Duterte admi­nistration.

Una sa Bureau of Customs (BOC) kung saan naging kontro­bersyal din siya dahil sa pagkakadawit naman sa smuggling ng P6.4 halaga ng shabu.

Akala ng lahat doon nagtatapos ang journey niya sa Duterte admi­nistration matapos siyang mag-resign sa Customs. Pero hindi pa pala dahil pagkalipas lang ng ilang buwan itinalaga naman ng Pa­ngulo bilang deputy administrator ng Office Civil Defense (OCD) noong January 2018.

After 10 months, nalipat naman siya na BuCor na binakante noon ng dating chief at ngayo’y senador nang si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Tatlong government agencies in just three years sa Duterte administration na nahawakan ni Faeldon kaya marami ang nagtatanong, bigyan pa kaya ni Pangulong Duterte ng panibagong posisyon sa gobyerno si Faeldon gayong bu­minggo na ito sa kanya?

Kung ang pulso ng publiko ang tatanungin, siyempre ayaw nila. Kasi nga naman, sumablay ka na sa Customs, pumalpak ka pa sa BuCor, aba’y magkaroon naman siya ng delicadeza kung sakaling alukin pa ng bagong posisyon ng Pa­ngulo.

Kung tutuusin noong nagbitiw siya sa Customs dapat ay hindi na siya tumanggap ng posisyon sa gobyerno, pero sige pa rin siya nang sige. Kasi nga naman, mahirap tanggihan kung Pangulo na nag-aalok sa’yo ‘di ba? Pero bilib din ako kay Faeldon dahil ganoon kataas ang tiwala sa kanya ng Pangulo.

Pero kahit sinibak na si Faeldon sa puwesto, hindi dapat doon magtapos ang kanyang career.

Sabi nga nila, dapat siyang kasuhan dahil sa kanyang ‘incompetence’ at pagsisinu­ngaling para lang makalusot sa pana­nagutan kaugnay sa early release ng mga heinous crime convicts.

Ipinakita rin ni Faeldon ang kawalan ng alam niya sa batas nang payagan niyang makalaya ang mga heinous crime convicts, kabilang ang mga utak sa Chiong sisters rape-slay case at apruba sa naudlot na paglaya ni Sanchez.
Tutal sinabi naman ng abogado ni Faeldon na si Atty. Jose Dino na welcome ang anumang kaso na ihahain sa kanya, kaya abangan na lang ang susunod na kabanata.