Abante Tonite Interactive

‘It’s Showtime’ pinarangalan ng NCAA

234

Isang makabuluhang pagkilala ang natanggap ng “It’s Showtime” sa ika-sampung anibersaryo nito. Pinarangalan ito ng “Katibayan ng Pagpapahalaga” ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa malaking ambag ng programa sa pagpapalaganap ng sining at kulturang Pilipino sa buong mundo.

Iginawad ang naturang parangal nina Shirley Halili-Cruz, ang chairman ng National Committee on Dance, at ni Rene Napeñas, ang head ng Public Affairs and Information Office ng NCCA, na parehong nagsilbing mga hurado sa isang linggong tagisan ng hosts sa “Magpasikat” competition.

Unang inilunsad ang programa bilang isang morning talent-variety show na pinagbuklod-buklod ang mga probinsya at lalawigan sa bawat performance ng bawat grupong sumasalang dito.

Sa nakalipas na sampung taon, binibigyan ng “It’s Showtime” ng pagkakataon ang mga Pilipino sa loob at sa labas man ng bansa na ipagmalaki hindi lang ang kanilang talento, kundi pati na ang lugar na kanilang pinanggalingan at kani-kanilang kultura.

Patuloy ring isinusulong ng “It’s Showtime” ang original Pilipino music (OPM) sa paglulunsad nitong muli ng “Tawag ng Tanghalan” at ng TNT Records, na ang pangunahing hangarin ay gumawa ng makabagong music icons na aawit at lilikha ng musikang Pinoy.

Samantala, maraming mga manonood naman sa bansa ang tumutok sa “Magpasikat” finale episode kung saan itinanghal na grand champion si Vice Ganda noong Sabado kung kaya’t nagtala ang “It’s Showtime” ng national TV rating na 19.7%, base sa datos ng Kantar Media.

Araw-araw namang nag-trend sa buong mundo ang hashtags ng programa dahil sa pag-aabang ng mga Pinoy sa inihandang mga pasabog ng hosts. (Roldan Castro)