Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ivermectin nagdudulot ng brain damage – Gatchalian

0 239

Nagbabala si Senador Sherwin Gatchalian sa paggamit ng isang uri ng gamot sa hayop para labanan ang COVID-19 dahil sa epektong posibleng idulot nito sa pag-iisip ng isang tao.

“Ako, sa totoo lang, hindi po ako doktor pero kung hindi po ito pini-prescribe ng doktor ay makinig na lang po tayo,” pahayag ni Gatchalian nang matanong sa panayam sa telebisyon tungkol sa Ivermectin na sinasabing makatutulong umano laban sa COVID-19.

Para kay Gatchalian, importante aniya na may pahintulot ng Food and Drug Administration (FDA) dahil ang mga bumubuo sa nasabing ahensiya ay mga doktor o eksperto.

“Kung hindi po binibigyan ng pahintulot ng FDA natin ‘wag na ho nating pilitin,” ani Gatchalian.

Importante aniya ay aprubado ng FDA dahil kung hindi ay nangangahulugan lamang na may problema.

“Nabasa ko nga, sabi ng isa sa mga eksperto sa FDA baka magkaroon ng brain damage, meron yatang side effect ito sa utak natin. At nakakatakot po ito, dahil akala natin mabuti ito yon pala may mga side effect pala na makakasira sa ating pag-iisip. So ang aking punto lang dito, magtiwala po tayo sa FDA,” ani Gatchalian.

Nakikinig din naman aniya ang FDA sa hinaing ng mga tao at tinitingnan din ng ahensiya ang galaw ng iba’t ibang bansa
“So kung ang ibang bansa ay pinapayagan na po ang ganitong gamot, papayagan din nila. Pero kung hindi pa pinapayagan, bakit tayo mauuna? baka delikado po,” dagdag ng senador.

Matatandaang kinuwestiyon sa pagdinig ng Kamara noong nakaraang linggo ang FDA at Department of Health (DOH) hinggil sa hindi pag-apruba sa Ivermectin bilang gamot kontra COVID-19.

Sinabi naman ng FDA na wala pa silang natatanggap na aplikasyon para sa Ivermectin. Iginiit pa ng ahensiya na dadaan ito sa masusing pagsusuri ng ahensiya at kailangang magsumite sa kanila ng mga datos at iba pang requirement ang nais mag-apply para gamiting gamot sa COVID-19 ang Ivermectin.

Leave A Reply

Your email address will not be published.