Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ivermectin o Latigo 50 kontra-bulate?

0 285

Kapag napag-uusapan mga tropapips ang gamot bilang panglunas at panlaban sa COVID-19, laging nakakasama ngayon ang murang gamot na Ivermectin, na ang talagang gamit–kontra bulate.

Noong una, bulong-bulungan pa lang mga tropapips ang tungkol sa bisa raw ng Ivermectin bilang panlaban sa COVID. Pero nung si AnaKalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na ang nagsalita tungkol sa naturang gamot, aba’y dumami ang nagkaroon ng interes na malaman kung totoo nga bang “wonder drug” ito.

Kung tutuusin, dati nang itinuturing “wonder drug” ang Ivermectin dahil sa bisa nito bilang pampurga kontra-bulate at iba pang parasite sa katawan ng hayop at maging sa tao, abay anong pinag-iba sa “Latigo 50” na ipinagmamalaki ang slogan na “One Latigo, All Bulate Go”

Dahil mura, maraming bansang mahihirap ang nakinabang at napagaling nito bilang pampurga. Halimbawa na may mga kulisap o insekto na pumapasok sa katawan ng hayop o tao at doon namamahay at nangingitlog, ang Ivermectin ang ginagamit na gamot para mapuksa ang peste sa katawan.

Sa mga tropapips na nag-iisip na uminom ng Ivermectin, pakaingat kayo dahil ang bersiyon nito sa Pilipinas na aprubado ng Food and Drug Administration ay yung para sa hayop lang. Ang bersiyon ng naturang gamot na para sa tao na iniinom (tableta o capsula) ay walang approval ng FDA kaya ikinukonsiderang “ilegal.”

Ang pang-tao na bersiyon ng Ivermectin na aprubado ng FDA sa Pilipinas ay iyong ipinapahid at hindi ang iniinom. Kaya ang mga Ivermectin na nakikita niyo sa mga online shop na ibinebenta, aba’y pampurga ng hayop ang mga iyan tulad sa aso. May mga impormasyon nga ngayon na ang Ivermectin na panghayop eh nire-repack para magmukhang pangtao version at ibebenta ng mas mahal.

Kaya ingat sa pagbili at pag-inom dahil baka bigla kayong maghanap ng buto at dyumingle na nakataas ang isang paa. Linawin din natin mga tropapips na bagaman mayroon nang mga isinasagawang clinical trial sa iba’t ibang bansa para alamin kung panlaban ba talaga sa COVID ang Ivermectin, pero sa ngayon ay wala pang malinaw na sagot tungkol diyan at patuloy pa ang pag-aaral.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Dito sa Pilipinas, dalawang ospital ang pinayagan ng FDA para gamitin ang Ivermectin (human grade) bilang compassionate drug. Bahagi na rin ‘yan ng pag-aaral kung puwede nga ba itong maging gamot laban sa COVID.

Bagaman may mga kilalang personalidad na nagsasabing umiinom sila ng Ivermectin bilang proteksiyon sa virus, at gumaling sila, ang kaso, wala namang solidong patunay na Ivermectin lang ang kanilang ininom na gamot kaya sila gumaling.

Ang mga nagsasabing hindi sila nahawahan ng virus mula ng uminom ng Ivermectin, aba’y hindi naman nila masabi kung itigil ba nila ang pagsunod health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distance.

Paano nga ba malalaman kung mabisa nga ang Ivermectin kontra-COVID? Aba’y kung may politiko na iinom ng gamot at magkukulong sa kuwarto kasama ang mga taong may COVID. Kung pagkaraan ng isang linggo eh wala siyang COVID, baka nga mabisa ang gamot na for “prevention.”

Papaano naman malalaman kung nakagagamot nga ng COVID ang Ivermectin? Simple rin. Kung nahawahan naman ng COVID ang politikong nasa kuwarto, huwag siyang painomin ng ibang gamot maliban sa Ivermectin.

Kung gumaling si politiko, aba’y gamot nga sa COVID ang Ivermectin. Pero kung lumalala ang sakit niya at natodas nang walang ibang iniinom na ibang gamot, alam niyo na ang sagot.

Pero siyempre, dapat maraming pagsusuri ang gawin para malaman kung pare-pareho ang resulta ng gamot sa iba’t ibang kaso ng COVID tulad asymptomatic, mild, moderate, severe at critical. Ngunit habang wala pa talagang siyentipikong patunay sa bisa ng Ivermectin kontra COVID, pag-iingat pa rin at pagsunod sa health protocols ang kailangan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.