Abante Tonite Interactive

Iwas extra rice

By
674

Likas na sa ating mga Filipino ang pagkain ng kanin. Hindi ito nawawala sa hapag lalo na kung may sabaw o sarsa ang ulam. ‘Di gaya sa ibang bansa na busolved na sa tinapay, tayong mga Pinoy hindi ata mabubuhay nang walang extra­ rice.

Gaano karami ang kinakain mong kanin?

Ayon sa National Nutrition Council o NNC, isang tasa ng kanin lang ang inirerekomenda sa mga babae habang isa’t kalahating kanin naman para sa mga lalaki.

Nagpaalala ang mga medical expert sa mga sakit na posibleng dulot kapag sobra-sobra ang rice intake kada araw. Bukod sa nakatataba, posible ring magkaroon ng diabetes, hypertension at sakit sa puso ang taong mahilig sa kanin.

‘Pag overweight ang isang tao, mas lumala­ki raw ang tsansang tamaan siya ng mga non-communicable disease gaya ng diabetes at heart problem.

Pero paglilinaw ng mga eskperto, hindi masamang kumain ng kanin. Katunayan, kailangan ito ng ating katawan sa araw-araw na mga gawain. Dito kasi tayo kumukuha ng energy­. Ang masama, kapag sumobra na ang kain dito. Sa lahat naman ng bagay, basta sobra­ – nakasasama na.

Marami rin namang rice substitute na puwedeng kainin basta in moderation din.

Katumbas ng isang tasang kanin ang apat na pirasong pandesal. Imbes na kanin, puwede ka ring kumain ng isang tasang noodles. Mainam ding alterna­tibo sa ka­nin ang root crops gaya ng kamote at patatas.

Sabi pa ng mga dalubhasa sa kalusugan, importanteng kumain ang mga Filipino ng prutas at gulay bilang pamalit sa kanin.

Sa latest report ng Food Nutrition Research Institute o FNRI, 123 grams o halos 1 1/4 cup lang ng gulay ang kinakain ng bawat Fi­lipino kada araw. Mababa raw ito sa inirerekomendang apat na tasa kada araw na kaila­ngang kaining gulay para makaiwas sa sakit.

Mayaman sa fiber ang gulay kaya nakatutulong ito para mapababa ang cholesterol na masama naman sa katawan ng isang tao.

 
Ang sa akin lang, ugaliing kumain ng mga masustansiyang pagkain para laging fit and healthy!