Abante Tonite Interactive

Iwas food poisoning

370

julius-segoviaNgayong summer, usung-uso na naman ang family gatherings, outings at picnics. Panahon din ngayon ng mga fiesta.

Tuwing may pagtitipon sa pamilya, hindi nawawala ang handaan. Kaya naman muling nagpaalala ang Department of Health sa banta ng food poisoning.

Mabilis masira o mapanis ang mga pagkain tuwing mainit ang panahon. Ayon sa mga pag-aaral, “warm environment increases the development or the multiplication of bacteria that can cause food poiso­ning or even infection.”

Para makaiwas sa food poisoning, tiyaking malinis ang pagkain at inuming binibili sa mga bangketa na may direct exposure sa init ng araw. Mas mainam kung sa kilala o rehistradong tindahan bibili para makasigurong may sanitary permit.

Karaniwang nag-uumpisa ang senyales o sintomas ng food poisoning ilang oras matapos makakain ng kontaminadong pagkain. Kabilang na rito ang pananakit ng tiyan, pagdudumi, pagsusuka, pananakit ng ulo, panghihina at lagnat.

Payo ng ilang food experts, lutuing maigi ang pagkain. Iwasan ang half-cooked ngayong summer. Pagkaluto, kainin din agad. Sakaling may tira o leftover, ilagay sa ref para ma-preserve ito. Kung muling ihahain ang tirang pagkain, siguruhing initin ito.

Ugaliin din ang handwashing na inaabiso ng DOH sa publiko. Importanteng maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain.

Hugasan at lutuin ding maigi ang mga rekado gaya ng gulay at karne.

Tiyakin ding malinis ang iba pang kasangkapang gagamitin sa paghahanda ng pagkain.
Gumamit ng serving spoon sa pagkain para maiwasan ang pagkapanis nito.
Iwasan ding mabilad sa init ng araw ang pagkain.

Ang sa akin lang, hindi lang napapanahon o tuwing ganitong summer ang pagtiyak na malinis at ‘poison-free’ ang ating pagkain. Responsibilidad natin ito araw-araw para maging malusog ang pamilya.