Abante Tonite Interactive

Iwas leptospirosis

797

ANG SA AKIN LANG

It’s official, wet season na! Kaya wala na namang tigil ang pag-uulan na nagdudulot ng pagbaha sa maraming kalsada sa buong bansa.

At dahil tag-ulan, may naitatala na ring kaso ng leptospirosis sa bansa.
Sa datos ng Department of Health, 354 leptospirosis cases ang nairekord sa buong bansa mula January 1 hanggang March 30, 2019. Apatnapu’t dalawa sa mga nabiktima ang nasawi.

Mas mababa ito ng 58% kumpara sa naitalang 837 leptospirosis cases at 75 deaths noong isang taon sa kapareho ring mga buwan.

Para sa DOH, magandang balita ito pero hindi pa rin dapat pakampante lalo pa’t kasisimula lang ng wet season.

Kaya muling nagpapaalala ang DOH at iba pang ahensiya na mag-ingat ngayong tag-ulan sa panganib na dulot ng nakamamatay na leptospirosis.

Nakukuha ang leptospirosis mula sa ihi ng daga na humahalo kadalasan sa tubig-baha. Maaari rin itong makuha sa putik na kontaminado ng bacteria na leptospira.

Kapag may sugat ang iyong paa at lumusong ka sa baha, posibleng pumasok ang leptospirosis bacteria sa iyong katawan.

Ayon sa mga doktor, puwede ring pumasok sa ilong, mata, at bibig ang bacteria kapag lumangoy sa baha o putik na konta-minado nito. Kapag nakapasok na sa katawan ang bacteria, kakalat daw ito sa iba pang bahagi at kadalasang kumakapit sa bato ng tao.

Matindi ang komplikasyong dulot ng leptospirosis base sa FB post ni Dr Willie Ong. Bukod sa bato, puwede ring masira ang atay, puso, baga at utak.

Kadalasa’y ang bato ang tinatamaan at umaabot ang sakit sa kidney failure.

Payo ng mga espesya-lista, agad magtungo sa doktor at magpasuri kapag nakararanas na ng lagnat, panginginig, pananakit ng kasukasuan, pamumula ng mata, hirap sa pag-ihi, at paninilaw ng balat. Karaniwang lumalabas ang sintomas ng leptospirosis makaraan ang 5 hanggang 14 araw matapos lumusong sa baha.

Paano makaiiwas sa sakit na ito? Una, huwag lumusong o maligo sa baha.

Umiwas din sa putikan at maruruming swimming pool. Kung kaila-ngang lumusong, ipinapayo ring magsuot ng gloves at rain boots.

Kung hindi talaga makaiwas sa baha, maglinis agad ng paa at katawan.
Maglagay ng alkohol sa lahat ng nabasang parte ng katawan.

Ugaliin ding maglinis ng bahay at kapaligiran para makontrol ang pagdami ng daga.

Importante ring gamutin ang sugat sa paa at kamay. Marami ang nagkakaroon ng alipunga sa paa dahil sa baha. Lagyan ito ng anti-fungal cream.

Sa mga lumusong sa baha, uminom ng 2 capsules ng antibiotic na Doxycycline 100mg bawat araw sa loob ng 4 na araw. Pinaiinom daw ito bilang proteksyon sa leptospirosis. Pero paalala ng mga eksperto, bawal ang doxycycline sa mga bata at buntis. Mainam na kumonsulta sa inyong doktor.

Ang sa akin lang, doble-ingat ngayong tag-ulan. Seryosohin din natin ang mga paalala ng gobyerno kaugnay sa nakamamatay na leptospirosis. Huwag nating ha-yaang may magbuwis pa ng buhay bunsod ng sakit na ito.